NAPANSIN ng kaibigan kong editor na kakaunti na lang ang mga banat kay Vice President Jejomar “Jojo” Binay. Hindi na dapat pagtakhan kung paano sila napatahimik. Marahil sa mga pumipitik kay Binay, ako lang ang siniraan sa masamang paraan. Pero kahit kilala ko ang mga nagpakana ng aking pekeng yahoo account, wala silang patol sa akin dahil matagal ko na silang kilala. Pulos wala silang bayag kaya patraydor lumaban at masyadong tsipipay.
Kung tutuusin, madali sanang malalaman ang ‘totoo’ kay Binay kung tinotoo ni Caloocan Rep. Edgar Erice ang plano niyang sampahan ng impeachment complaint ang ikalawang pinakamataas na lider ng bansa. Kinatigan ito maging ni Albay Gov. Joey Salceda. Pero kaagad nagladlad ng banderang puti si Erice nang sabihin ni Speaker Feliciano Belmonte na maraming dapat gawin ang House kaysa ipa-impeach si Binay.
Masyadong halatain si Belmonte na gusto niyang mapuwesto sa Palasyo si Binay. Kahit dahan-dahang nalalaglag sa mga survey, si Binay pa rin ang llamado at siyempre, atat na atat si Belmonte na manatili sa poder ang natsitsismis na kasabwat niya sa “Noy-Bi” sa halalang pampanguluhan noong 2010 na si Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa.
Bakit hindi hayaan ni Belmonte ang proseso ng impeachment kay Binay? Mas malinaw ito kaysa “hinaharang at nabalahong” pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee. Makapangyarihan si Belmonte bilang Speaker kaya kayang-kaya niyang imaniobra na hindi ito makalusot sa Kamara kasi “numbers game” lamang ito. O natatakot siya na makalusot ang impeachment laban kay Binay para madala ang reklamo sa Senado?
Mas mainam sana kung mai-impeach si Binay sa mga sinasabing kasalanan noong alkalde pa siya. Kung magiging hukom ang mga senador, mapipilitan siyang maglabas ng mga ebidensiya na hindi kanya ang Hacienda Binay at kung ano-ano pang paratang ng dati niyang tsokaran na si Makati ex-vice mayor Ernesto Mercado.
Hindi naman siguro matutulad si Binay kay dating Supreme Court chief justice Renato Corona na nabuking ang kung ano-anong palusot. Pero ngayon lumilitaw na numero uno siyang sinungaling dahil ayaw humarap sa Senado at ayaw makipagdebate sa mga hinamon niya tulad ni Sen. Antonio Trillanes IV.
Magbago sana ng isip si Belmonte at payagan ang kapartido niya na si Erice na magsampa ng impeachment complaint laban kay Binay. Sa ganitong paraan lamang lalantad ang lahat ng katotohanan kung hindi nagnakaw si Binay at ang kanyang pamilya sa kaban ng bayan. Kung hindi naman, mapatutunayan niya na hindi siya magnanakaw kung gagawa siya ng affidavit na binibinitiwan niya ang pag-aari sa Hacienda Binay at sa lahat ng ari-arian na sinasabing bahagi ng kanyang mga nakaw na yaman. O ‘di ba?
Ariel Dim. Borlongan