Thursday , December 26 2024

‘Praning’ na ba si ER Ejercito?

00 Kalampag percyPARANG praning o nabubuhong na yata ang napatalsik na gobernador ng Laguna na si ER Ejercito nang sabihing malaki na raw ang atraso ng mga Aquino sa kanilang pamilya.

Iisiping nagmula sa angkan ng mga Maharlika at dugong-bughaw si ER kung makapagsalita, ano po?!

Itinuturing pala ni ER na atraso ng angkan ni PNoy sa kanilang lahi ang desisyon ng Korte Suprema na kumatig sa diskuwalipikasyon sa kanya ng Commission on Elections (Comelec) bunsod ng sobrang paggasta sa kampanya bilang kandidato noong nakaraang 2013 elections.

Kesyo, bakit siya lamang daw ang tinanggal gayong marami rin naman ibang kandidato sa Liberal Party na tulad niya ay lumabag din sa kaparehong batas.

Noong una raw, tinanggal sa puwesto ang tiyuhin niyang si convicted plunderer Joseph Estrada bilang alakalde ng San Juan at bilang pangulo ng bansa.

Pati ang pagkabilanggo ng pinsan niyang si Sen. Jinggoy Estrada ay ibinilang ni ER na atraso rin daw ng mga Aquino sa kanilang pamilya.

Nagbanta pa si ER na gusto raw niyang makita na makulong si PNoy kaya hintayin na lamang daw ang 2016.

***

PUWES, turuan natin si ER at baka sakaling magising at may matutunan kung saglit nating iisa-isahin ang tunay na kasaysayn na pilit niyang binabaluktot para magmukhang inapi ang kanyang angkan.

Una, kaya niya sinasabing may atraso ang mga Aquino sa kanilang angkan ay para palitawing politika at hindi paglabag sa election code na kung tawagin ay over spending ang dahilan ng pagkakapatalsik sa kanya bilang gobernador ng Laguna.

Ayaw tanggapin ni ER ang katotohanan na may paglabag siya sa batas kaya siya nakasuhan at nasibak sa puwesto.

Palibhasa, mangmang talaga siguro sa batas si ER kaya ang paniwala niya, basta’t nakaupo ay hindi na siya maaring sipain sa puwesto, at hindi rin abot ng kanyang makitid na kukote ang accountability o pananagutan sa batas ng bawa’t kandidato o public official.

Wala namang nagsasabing siya lamang ang kandidato na lumabag sa over spending o ibang batas na nakapaloob sa election code, kaya lang, kumbaga sa mandurukot, siya ang inireklamo at nahuli kaya siya ang naparusahan.

***

IKALAWA, sakaling hindi alam ni ER, nang maging Pangulo ng bansa ang ina ni PNoy na si Cory noong 1986 ay tinanggal lahat ang local officials, mula gobernador pababa, at bukod-tanging si Erap lamang ang nagmatigas at hindi sumunod sa batas, sa bisa ng umiiral noon na revolutionary government.

Tulad nang ginawa ni ER sa kapitolyo ng Laguna, umupa si Erap ng mga bayarang nagbarikada sa loob at labas ng noon ay munisipyo ng San Juan.

Nang maubos ang pasensiya ng gobyerno, tinawagan ni dating Executive Secretary Joker Arroyo si Mayor Alfredo Lim na noon ay hepe ng Northern Police District (NPD), upang ipatupad ang batas at lansagin ang itinanghal ni Erap na pagsuway sa batas at anarkiya sa San Juan.

Naramdaman ni Erap na bubuhatin na siya palabas para iluklok ang itinalagang officer-in-charge (OIC) sa San Juan kaya ipinag-utos niya na pakuan ng malalaking tabla ang mga pintuan, sirain ang mga muwebles at kalatan ng mga dumi ng tao ang loob ng buong munisipyo.

Ganito ba ka-baboy ang mentalidad ng kanilang angkan na ipinagmamalaki ni ER?

***

IKATLO, si Erap ay pinatalsik ng EDSA 2 People Power Revolution bilang pangulo dahil sa pag-abuso sa kapangyarihan at pagkamal ng nakaw na yaman.

Hinatulan si Erap na mabilanggo nang habambuhay ng Sandiganbayan matapos mapatunayang guilty sa kasong pandarambong.

***

IKAAPAT, matibay ang mga ebidensiya na nagbulsa ng kickback mula sa kanyang PDAF o pork barrel ang pinsang si Jinggoy kaya sa ikalawang pagkakataon ay nakulong sa kasong pandarambong.

Kaya aminin man sa hindi ni ER, hindi niya kayang ipaliwanag kung saan at paano niya nakamal ang milyon-milyong salaping ginasta at ibinayad niya sa kanyang advertisement sa kampanya noong 2013 elections.

Sigurado rin na mahihirapang ipaliwanag ni ER kung sa lehitimong paraan lumago ang kanyang yaman mula nang maluklok na gobernador sa Laguna.

Hindi kaya si ER ang maunang ipasok sa bilangguan kapag itinuloy ang umano’y paghakot nila sa Laguna ng mga bayarang magbabarikada sa Manila City Hall oras na maideklarang disqualified ng Supreme Court ang tiyuhin niyang mandarambong na si Erap?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

About hataw tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *