Thursday , December 26 2024

Pareng Butch, humanda sa aking Bird’s Opening!

00 Abot Sipat ArielMALUNGKOT ang nagdaang linggo sa akin. Hindi dahil sa paninirang-puri ng mga taong napakalaki ng takot sa aking kakayahan bilang simpleng kolumnista. Hindi rin sa pagkakamali ng kapwa kolumnista na si G. Horacio “Ducky” Paredes ng Abante na inilabas ang sulat ko raw mula sa pekeng yahoo account.

Hindi ko na pinagtatakhan na maraming naiinggit sa akin. Nang italaga nga ako ni Senate President Franklin Drilon bilang information chief ng Senado may ilang taon na ang nakararaan, banner ako kinabukasan sa tatlong broadsheets (broad-”shits” sa akin) bilang “mole” daw ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Mataas na Kapulungan. Ipinagpipilitan ng panganay ko na si Z (Aryan ang palayaw) na huwag akong mag-resign. Pero sa totoo lang, kahit sanay akong makipagpatintero sa sawa, dahong palay, ulupong at malabasahan sa bukid, sapa at ilog, ayokong makipagtagisan ng kakayahan sa lugar na itinuturing kong pook ng mga “traydor na kuyog.”

Mahirap unawain kung bakit sobra ang laki ng takot (o galit) sa akin ng limang media groups ni VP Jejomar Binay. Marahil, ilan sa grupong ito ang nasa Team PFJ dati na sinisisi ako kung bakit sila nagkagulo noon. Wala naman akong ginawa kundi pinayuhan ang isang grupo na tumanggap na ng badyet ang kabilang grupo. Ano ba ang malay ko na nagpapatayan na sila sa badyet?

Ang totoo, mas ikinalulungkot ko ang pagkamatay ng aking ama-amahan sa pamahayagan na si Butch del Castillo, May “date” kami noong nakaraang Nobyembre 18 sa Citistate Tower sa Mabini St. sa Maynila at magtatagpo kami eksaktong alas-7:00 ng gabi. Nagkautang kasi ako sa kanya ng P30,000 para sa pasahe ng anak kong si Z pa-Dubai at siya ang hindi nagdalawang-isip na magpautang sa akin. Naibigay ko ang unang P15,000 at sa aming usapan ay ibabalik ang natitirang P15,000.

Una kaming nagkasama ni Sir Butch sa mga tabloid na Tanod at Diretso at naging malapit kami sa isa’t isa. Lagi akong libre sa panonood ng mga laban ni eight-division world champion Manny Pacquiao sa Tower at pagkatapos ng laban, pakakainin pa niya ako at aabutan pa ang anak kong si X ng “baon.”

Naging ninong siya ni Y at siya ang sumagot nang pabinyagan ang bunso kong anak saan pa—sa Tower.

Magbabayad talaga ako sa kanya ng P15,000 nitong Nobyembre 18 at nag-text ako sa kanya na naroon na ako sa Tower, bandang 6:30 ng gabi noon. Tumawag siya sa akin, humingi ng dispensa sabay sabing nakalimutan niya ang usapan namin. Nagtaka ako dahil isang araw lamang mula nang tawagan niya ako para sa aming pagkikita. Pero tulad ng dati, sinabi niya na P10,000 lamang ang iwanan ko sa Tower at ang P5,000 ay pamasko niya kay Y. Kinutuban ako dahil alam kong matagal nang nakikipagbakbakan ang aking kumpare kay Nayatamak.

Kaya nang mabalitaan ko na namatay si Pareng Butch sa sakit na colon cancer 10 araw pagkaraan ng aming usapan, natiyak ko na ayaw na niyang makita ko na malaki na ang ipinagbago ng kanyang katawan. Nakalulungkot lang na dinala ko pa si Y sa Tower para makapagmano sa kanya pero hindi na siya nakarating sa aming usapan.

Malungkot ako nitong nakaraang linggo hindi dahil sa paninirang-puri sa akin. Mas ikinalulungkot ko ang pagkawala ng isang “napakatalik na kaibigan, itinuring kong “ama-amahan” at kumpare ng bunso kong anak.

Pareng Butch, tapos na ang ating tampo-bati. Pupunta rin naman ako sa iyong kinaroroonan ngayon kaya maghanda ka ng mga piyesa ng ahedres. He he he, humanda ka sa hindi mo malutas-lutas na gamit kong Bird’s Opening!

About hataw tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *