IBINASURA lang kahapon ng Sandiganbayan ang hirit na makapagpiyansa ni Senador Bong Revilla Jr., umano’y may codename na “Pogi” sa listahan ng P10-billion pork scammers.
Halos apat na buwan dininig ng graft court ang hirit na piyansa ni “Pogi.” ‘Yun pala’y mababasura lang! Ibig sabihin ba nito ay mabubulok na sa kulungan ang actor-politician hanggang siya’y mahatulan?
Tiyak taon ang bibilangin bago natin malaman kung guilty or not guilty si Pogi sa kinakaharap niyang plunder case.
Tulad noon kay impeached President Joseph “Erap” Estrada na kinasuhan din ng Plunder, anim na taon din siyang na-”rest house arrest” sa kanyang farm sa Tanay, Rizal bago bumaba ang hatol sa kanya na GUILTY – kulong habambuhay! Pero hindi na nakapasok ng Bilibid sa Muntinlupa si Erap dahil kaagad siyang binig-yan ng ‘Presidential Pardon’ ni ex-President Gloria M. Arroyo.
Si Arroyo ay naka-”hospital arrest” naman ngayon sa kinakaharap din na kasong PLUNDER na isinampa ng kampo ni PNoy.
Pagkatapos ng termino ni PNoy sa 2016, hindi kaya sapitin rin niya ang sinapit nina Erap at GMA, tulad ng wish ng pinatalsik na Governor ng Laguna na si ER Ejercito, ang pamangkin ni Erap.
Si ER ay ini-disqualify dahil naman guilty sa overspending noong nakaraang election.
Si Erap ay nakabalik sa politika. Mayor siya ngayon ng Maynila. At pumupormang tatakbo uli na Presidente sa 2016. Ito’y kung papabor sa kanya ang kinakaharap na disqualification case sa Korte Suprema.
Ang kapalaran ni Erap sa politika ay nasa kamay ngayon ng Kataastaasang Hukuman. Kaabang-abang ito…
Balikan natin ang pag-deny ng Sandiganbayan sa hiling na piyansa ni Revilla. Kung nangyari ito sa kanya, malamang na ganoon din ang sapitin ng kapwa niya mga senador na sina Jinggoy Estrada (codename Sexy) at Juan Ponce Enrile (Tanda) na pare-pareho lang sila ng kaso at nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Ang makapagliligtas lamang sa kanila ay kung maging presidente uli si Erap o kaya’y si VP Jojo Binay na ka-partido nila.
Sa tingin ninyo, papayagan ba itong mangyari ng kampo ni PNoy?
Aba’y kapag naging pangulo si Erap o kaya’y si Binay, tiyak PLUNDER din ang aabutin ng mga utak ng nagpakulong kina Pogi, Sexy at Tanda at sa mga nagbunyag sa katiwalian ng mga Binay sa Makati.
Walang katapusang gantihan at nakawan ito… Kawawa ang Pilipinas… Dapat ibasura na sila sa 2016. Maghalal naman tayo ng mga new blood!
Vendors, droga, sugalan, obstructions sa Brgy. 702 Malate, Manila
– Report ko po rito sa amin sa Brgy. 702 Zone 77, District 5, Malate, Manila, nasasakupan po ni Chairman Nepomuceno, ay nagkalat na ang vendors at pool sa kalsada. Hirap tuloy dumaan at daming droga laluna sa Alley 4. Puro kaibigan ng kagawad at tserman ang nagbibinta at karera di mahuli-huli kasi may timbre sa barangay at pulis. Huwag nyo nalang po ilabas ang numero ko. – Concerned resident
Kapag may pintas sa barangay, walang ibang dapat sisihin kundi barangay officials lalo na ang tserman. Kung nagtatrabaho lamang ang mga halal na opisyal, tiyak magiging maayos ang inyong lugar.
Hindi pa nakatikim ng 13th month sa 999 Mall (Binondo)
– Isa po akong tindera o saleslady dito sa 999 Mall. Gusto ko po sana ipaabot sa Department of Labor na sana po magkaroon din kami ng 13th month. Kasi wala kami nun eh. Pag tinatanong namin yung amo namin, hindi raw nila alam yun. Sa tagal kona po dito ni minsan powala ako natanggap na 13th month o bonus. Sana maaksiyunan naman ito ng Labor. Thanks po, Huwag nyo nalang ilagay ang numero ko baka matanggal ako sa trabaho. – Saleslady ng 999 Mall
Kung sa manpower agency kayo, sila ang dapat magbigay sa inyo ng 13th month pay. Ganyan katuso ang mga negosyanteng Intsik. Hindi na sila kumukuha ng direct employees o workers, sa agency sila kumukuha para wala na silang pananagutan.
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 099-8974-7723/ E-mail add: [email protected]