WALA tayong pinapanigan sino man kina Maserati Owner Joseph Russel Ingco o MMDA enforcer Jorbe ‘dura’ Adriatico.
Ang labis lang nating ipinagtataka, bakit mahilig mag-video si Adriatico at bakit naman pinatulan ni Ingco ang sitwasyon?!
Pagkatapos lumabas sa social media ang sinabing pagkaladkad at pananapak ni Ingco kay Adriatico, lumutang ang iba pang biktima ng MMDA dura ‘este’ Traffic enforcer.
Maging ang mga vendor sa paligid ng vicinity ay nagsasalita na rin laban kay Adriatico.
Ang punto natin, simple lang, si Adriatico na isang MMDA enforcer ay nangangahulugan na government employee o kahit na volunteer lang siya, kaya dapat lang na timpiin niya ano man ang kanyang nararamdaman na pagkagalit o ano pa man.
Tingin natin ay hindi rin tama ‘yung kinukunan niya ng video sa kanyang cellphone ang mga motorista at magbanta na magte-trending ang mga nasisita niyang motorista dahil ito ay kabastusan.
Kung tayo ang matitiyempohan ni Adriatico, at ingungudngod niya sa ating mukha ang cellphone/video n’ya, aba ‘e may kalalagyan siyang talaga.
Uulitin ko lang, MMDA enforcer Adriatico, ikaw ang naka-UNIPORME kaya ikaw ang dapat na magpakita ng kortesiya.
Huwag kang mag-power trip sa uniporme mo bata.
Kung hindi mo aayusin ang iyong asal, tiyak marami pang ganyang kaso ang iyong makahaharap.
Hinay-hinay lang boy video!