NIRAPIDO NINA MAJOR ANG GRUPO NI JAKOL PERO NAKATAKAS SI ROX NA MAY TAMA SA PAA
Ay! Kitang-kita niya nang ratratin ng armalite ng pangkat ni Major sina Jakol, Dongie, Tikboy at Rando. Nabistay ng bala ng baril ang katawan ng kanyang mga kasamahan. Siya man ay sinalubong din ng mga nagbabagang punglo. Pero hindi niya nakaligtaang damputin sa sahig ng sasakyan ang bag na kinalalagyan ng paldo-paldong salapi. Niyakap niya iyon nang mahigpit. ‘Pag parapido ulit ng buga ng mga baril ng pangkat ni Major sa binti lamang siya nahagip ng bala. Ikinabuwal niya iyon. Gayon man ay nagpilit siyang gumapang palayo. Dahil sa kutob niya ay totodasin din siya ng pangkat ni Major na papapel pang nakadale sa notoryus na grupo ng mga bank robber.
Gapang… gulong…gapang… gulong ang ginawa ni Rox. Napansin niyang naglisaw-lisaw na ang mga tao sa paligid, karamihan ay usyosero at usyosera. Sa ganoong sitwasyon ay alam niyang hindi basta-basta makapagpapaputok ng baril ang mga pulis. Nanginig ang sugatan niyang binti sa pagsisikap niyang makatindig. Namamanhid na iyon.
Nang maparaan doon ang isang lalaking sakay ng single na motor ay mabilisan niya itong tinutukan ng baril.
“’Pag nagdamot ka, makakasama kita sa hukay,” aniya sa pagpigil sa manibela ng motorsiklo habang nakaumang ang baril sa mukha ng lalaking sakay niyon.
“P-pare, ayokong madamay…” anitong nanginginig sa pagmamakaawa.
Sapilitang umangkas si Rox sa motor sa likuran ng lalaki na nasa manibela.
“Patakbuhin mo. Patay ka ‘pag ‘di ka agad sumunod!” ang pagbabanta niya sa lalaki.
Takot na sumunod sa kanya ang lalaki.
“Sa masisikip na eskinita ka magdaan para ‘di tayo agad masundan,” utos niya sa may-ari ng motorsiklo.
Pinatakbo nang pinatakbo nang matulin ng lalaki ang motorsiklo. Mula sa isang makipot na eskinita ay nakarating ito sa isang looban. Sa pook ng mga iskuwater. Doon umibis ng sasak-yan si Rox.
“Salamat, ‘Pre…” aniya sa lalaki.
S-sasabit ako, Pare…” ang mangiyak-ngi-yak na naibulalas ng lalaki kay Rox.
“Ikatuwiran mo sa pulis na ini-hostage kita kaya napilitan kang isakay ako,” payo niya sa inosenteng motorista.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia