ni Ed de Leon
BALE ito na ang ikapitong pagkakataon na pamumunuan ni Governor Vilma Santos ang Ala Eh! Festival na sinimulan din niya mismo seven years ago. Nagsimula lang naman iyan dahil nagtanong nga si Governor Vi, bakit lahat ng bayan sa Batangas mayroong celebration ng foundation day nila samantalang iyong mismong lalawigan ay wala?
Nagpa-reasearch siya kaya nalaman nila na ang Batangas ay itinatag bilang isang lalawigan, at nalaman nga nila na ang Batangas bilang isang lalawigan ay natatag noong Disyembre 8, 1581, o 433 years ago.
Ang talagang bayang pinagmulan ay ang Taal, kaya nga Taal ang tawag doon eh dahil sa salitang Tagalog ang ibig sabihin ng taal ay iyong pinagmulang totoo, iyong nakagisnan. Ngayong taong ito, ang pagdiriwang ng Ala Eh! Festival ay gaganapin sa mismong Taal, at ang lahat ng activities ay idaraos sa harapan ng Basilica ng Taal. Hindi nila nasabi, pero iyang Basilica ng Taal, ang siyang pinakamalaking simbahan sa buong Asya, at ginawa iyan noong panahon pa ng mga Kastila.
Ang tunay na patron ng basilica, o kung sabihin nga ng mga Batangueno ay “ang taal na patron” ay si St. Martin of Tours, pero ang mas dinaRayo sa simbahang iyan ay ang mapaghimalang imahen ng Nuestra Senora de Caysasay, na sinasabing isang araw ay nakuha sa Pansipit River dahil tinatayuan iyon ng isang ibong kasay-kasay, kaya ganoon ang tawag. Nalaman naman naming lahat iyan dahil noong araw ay naging bahagi kami ng isang research team na nagsaliksik sa kasaysayan ng Taal.
MGA SIMBAHAN, DINARAYO RIN
Kaya nga iyong Ala Eh! Festival sa taong ito ay inaasahan nilang dadayuhin ng mga turista hindi lamang dahil sa kasiyahan na magsisimula na sa Lunes, kundi bilang bahagi rin ng isang “religious pilgrimage sa Basilica ng Taal”.
In fact maraming simbahan sa Batangas ang dinarayo ng mga turista. Iyan ngang Basilica ng Taal. Iyong simbahan sa loob ng kumbento ng mga madreng Carmelita sa Lipa, na sinasabing nagpakita ang Mahal na Birhen sa isang visionary. Iyon dingKatedral ni San Sebastian sa Lipa. Iyong simbahan ni Padre Pio sa Santo Tomas, Batangas. At maging ang simbahan ng mapaghimalang Krus ng Alitagtag.
Bukod diyan, magkakaroon sila ng isang tiangge ng lahat ng mga pangunahing produkto mula sa lalawigan ng Batangas, kagaya ng mga Barong Tagalog, mga kakanin kabilang na ang kanilang sikat na suman at matamis na mani, kapeng Batangas, at maging ang balisong.
Ngayon nakakita pa sila ng isang panibagong kakampi, si Mother Lily Monteverde, na nagbukas na rin ng isang resort sa Taal at itinuturing na ngang adopted daughter ng nasabing bayan. Palagay namin, mas magiging matagumpay ang Ala Eh! Festival sa taong ito.
Bukod sa kanilang taunang singing competition, iyong Voices Songs and Rythm, mayroon din silang search para sa Binibining Batangas, at maraming iba pang activities na inaasahang dadaluhan din ng maraming mga artista, dahil sabi nga ni Ate Vi, hindi lang daw natin alam pero ang totoo maraming mga artista ang nagpasyang mag-settle na, o manirahan sa Batangas.
Inaasahan nila ang daang libong mga turistang darayo roon, pati na iyong mga galing abroad simula sa Lunes nga hanggang sa Disyembre 8 kung kailan gaganapin ang makulay na street dancing parade sa mga pangunahing lansangan ng Taal.