TOL si Valenzuela City 1st District Congressman Sherwin “Win” Gatchalian sa plano ng ilang kongresista na magsampa ng impeachment complaint sa Mababang Kapulungan ng Kongreso laban kay Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Gatchalian sa halip na impeachment ay nararapat na mas tutukan ng Kongreso kung paano paaangatin ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng mabusising pagtalakay sa 2015 national budget.
Aniya, mas makabubuting unahin ng kanyang mga kapwa kongresista ang pagtutok sa budget ng bansa sa susunod na taon dahil dito nakasalalay ang pagsulong ng ekonomiya na magpapaganda sa kabuhayan ng bawat Pilipino.
Si Gatchalian na kasapi ng Nationalist Peoples Coalition (NPC) at isa sa 50 miyembro ng naturang partido sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay nagsabi pa na gagamitin nila ang kanilang puwersa sa Kamara upang mapigilan ang planong impeachment laban sa bise presidente.
Sinabi ng kongresista, hindi rin basehan sa pagsasampa ng kasong impeachment laban kay Binay ang ginagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee dahil hindi pa naman napatutunayan ang mga alegasyon sa ikalawang pangulo ng bansa.
Bago kasi maisulong ang isang impeachment complaint laban sa isang opisyal ng gobyerno ay kinakailangan lumagda ang one-third ang mga miyembro ng House of Representative kaya’t mauubos lamang ang panahon ng mga mambabatas sakaling may gustong magsulong nito.
Sabi naman ni NPC Secretary General Representative Mark Llandro Mendoza (4th District, Batangas), maraming oras ang masasayang sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kapag isinulong ang impeachment complaint laban kay Binay.
Tama lamang na unahin ng mga mambabatas ang pagtalakay sa 2015 national budget dahil dito nakasalalay ang pag-angat ng ating ekonomiya at hindi kung ani-anong plano ang kanilang gustong gawin para lamang maisulong ang kanilang “political agenda.”
Maagang Pasko sa Muntinlupa City
Noong nakalipas na Nobyembre 17 ay sinindihan na ang pinakaaabangang Christmas Tree sa Muntinlupa City Hall na sinaksihan nina Mayor Jaime Fresnedi, Vice-Mayor Artemio Simundac, Congressman Rodolfo Biazon at iba pang halal na opisyal ng lungsod.
Bukod sa mga nabanggit na personalidad ay sumaksi rin sa pagdiriwang ang mga empleyado ng city hall at mga residente na sabik na sabik na makita ang pag-ilaw ng tatlumpong talampakang Christmas Tree.
Namahagi rin ng mga candy sa mga sumaksi sa ginanap na pagdiriwang sina Muntinlupa First Lady Lou Fresnedi at apo na si Neo na idinaos sa city hall quadrangle habang naglagay na rin sa buong lungsod ng mga naggagandahang palamuti para sa Kapaskuhan.
Kapansin-pansin ngayon ang patuloy na pagganda ng Muntinlupa City dahil na rin sa sipag na ipinakikita ni Mayor Fresnedi kaya’t masuwerte ang kanyang constituents dahil desidido ang alkalde na mapaunlad pang lalo ang kanilang siyudad. Mabuhay ka Mayor Fresnedi.
Alvin Feliciano