WALANG basehan ang paratang ni ousted president at convicted plunderer Joseph Estrada na si Manila Mayor Alfredo Lim daw ang nagsampa ng disqualification laban sa kanya.
Para sa kaalaman ng publiko, hindi si Mayor Lim ang naghain ng protesta at DQ laban kay Erap kundi si Atty. Alice Vidal.
Si Mayor Lim ay intervenor lang sa kaso at ang tanging papel na kanyang gagampanan, siya ay uupo na alkalde bilang nag-iisang qualified candidate na nakakuha ng pinakamataas o pinakamaraming boto noong 2013 elections. Kapag idineklara ng SC na disqualified si Erap.
Binabangungot na si Erap dahil alam niyang disqualified siya, batay sa Republic Act 7160, kaya kung ano-ano na lang ang kanyang pinagsasasabi na kesyo nananaginip lang si Mayor Lim na makababalik bilang alkalde ng Maynila.
Pinaniniwala ni Erap at ng kanyang mga kampon ang kanilang sarili na kasama raw naibalik sa sentensiyadong mandarambong ang kanyang civil at political rights sa iginawad na pardon sa kanya ni GMA kaya maaari siyang kumandidato.
Ito ay malaking panloloko dahil CONDITIONAL PARDON ang iginawad sa kanya ni GMA, kapalit nang pangakong hindi na siya muling kakandidato pa.
Ayon sa Section Two, Article 36 at 41 ng The Revised Penal Code, ang karapatang makaboto at iboto ay kailangang maliwanag na nakasaad o nakasulat nang letra por letra sa sinomang ginawaran ng pardon na nahatulan nang mula isang taon pataas na pagkabilanggo, sa kasong may kinalaman sa moral turpitude.
Noong September 12, 2007, si Erap ay hinatulan ng Sandiganbayan ng habambuhay na pagkabilanggo sa kasong plunder o pandarambong sa salapi ng bayan.
Kasama sa hatol ng Sandiganbayan kay Erap na tinatanggalan siya ng habambuhay na karapatang humawak ng anomang puwesto sa gobyerno at ang pagkompiska sa mga ninakaw niya, na hanggang ngayon ay hindi pa niya naisasauli sa gobyerno.
Kung may nasasabik man ngayon na makabalik si Mayor Lim sa puwesto bilang alkalde ng Maynila, ito ay walang iba kundi ang nakararaming Manileño mismo, lalo na ang mga nagsisi sa malaking pagkakamali na kanilang nagawa sa pagkakaboto nila kay Erap.
Gumagamit pa si Erap ng mga kulamnista, este, kolumnista na kilalang bayaran sa broadsheet bilang starter na magkukunwaring may nakuhang impormasyon mula sa SC para bihisan ng katotohanan ang ilalabas na press release ng damuhong si Erap na mandarambong.
Ito naman ang nagsisilbing hudyat ng mga kakontsaba at kontak ng kampo ni Erap sa SC para hindi mahalatang naiimpluwensiyahan sa pagpapasiya sa mga hawak nilang kaso.
Pero sa ayaw at sa gusto ni Erap, ang lahat ay may limitasyon at kahit ano pa ang kanyang gawin, habang tumatagal, ay mauubos ang panahon na kanyang pinagkagastahan para makapaglambitin sa puwesto na parang tsonggo.
At darating ang sandali, pati ang mga mahistradong kabig ni Erap sa SC ay mauubusan na rin ng alibi para ipitin ang paglalabas ng pasiya kahit na “justice delayed is justice denied.”
Insulto sa hudikatura si Erap
SA Pilipinas lang naman pinapayagang maging bisyo ang paglabag sa batas at insultuhin ang hudikatura ng isang tulad ni Erap na sentensiyadong mandarambong.
Dahil sa taktika niyang “justice delayed, justice denied” nagyayabang ang hindoropot na kesyo tiwala raw siyang papanigan ng SC sa kinakaharap na disqualification case.
Ang desisyon daw ng Sandiganbayan ay “mere scrap of paper” lang ang disqualification case laban sa kanya, gayong sa teknikalidad ibinase ng Sandiganbayan Special Division ang desisyon na nilagdaan nina Associate Justices Jose Hernandez, Napoleon Inoturan at Maria Cristina Cornejo noong Enero 2013 na nagbasura sa petisyon nina Fernando Perito at Leptali Aliposa, at hindi sa merito.
Ang inihain nina Perito at Aliposa sa Sandiganbayan ay “Motion for Determination and Interpretation of Judgment in the Plunder Case in Relation to the Conditional Pardon” ni Erap.
Sinabi ng tatlong mahistrado na kapirasong papel lang ito dahil nabigo sina Perito at Aliposa na hilingin na magsagawa ng pagdinig sa kanilang petisyon at bigyan ng kopya ang mga sangkot sa isyu.
Pinalalabas ni Erap na nakatadhana sa conditional pardon na ibinigay sa kanya na puwede siyang kumandidatong muli.
Kathang-isip lang ng kampo ni Erap na may desisyon ang Sandiganbayan sa conditional pardon niya kahit wala.
Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, bakit tahimik ang Sandiganbayan sa pagkaladkad ni Erap sa inyo?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])