NANGANGALINGASAW ang amoy ng mga palikuran sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bukod pa sa saksakan ng init kahit sa hatinggabi.
Ito ang n aranasan ng inyong lingkod sa aking pagbabalik sa ating bayan mula sa iba-yong dagat. Halos lahat ng mga kasabay kong manggagawang Pilipino ay nasuya at hindi mapigilang ikumpara ang ating paliparan sa mga paliparan ng ibang bansa.
Isa pang napuna ng inyong lingkod ang dami ng istambay malapit sa immigration booth sa NAIA. Sila ay may naglalakihang ID na may tatak DOTC. Ewan ko kung ano ang silbi nila gayong nakatayo at naghununtahan lamang sila. Mukhang sa pagkukwentuhan nila ginugugol ang oras ng trabaho.
Napuna ko rin na mga walang ginawa kundi magbiruan, magmurahan at magharutan ang mga personnel sa airport na nagtutulak ng wheelchair. Ang ganitong unprofessional na kilos ay kanilang ginagawa habang naghihintay ng maitutulak malapit sa pintuan ng eroplano. Malayong-malayo ang NAIA sa mga pandaidigang paliparan ng Inchon, South Korea, Singapore o Hong Kong.
Ayaw ko na sanang dumagdag pa sa mga pumupuna sa kabulukan ng ating airport pero may palagay ako na magiging kasalanan ko ito sa bayan kung ako ay mananatiling tahimik.
* * *
Hindi ko alam na nabili na pala ng Manila Waters ang isang linya ng Katipunan Avenue sa Diliman, Kyusee kung kaya ito ay kanilang nilagyan ng plastic na tali upang walang makadaan maliban sa mga sasakyang papasok sa kanilang compound.
Matrapik na nga sa lugar na ito tapos kinuha pa nila ang isang linya. Haay dito sa atin kapag malaki, mayaman at siga-siga ka pwede mong gawin ang lahat kahit na labag sa batas. Kapalan lang talaga ng mukha.
* * *
May mga operatibang nanghuhuli ng smoke belchers sa mga lansangan pero ang kanila lamang sinisita ay ‘yung mga trak. Hindi nila pinapansin ‘yung mga belchers na passenger jeeps. Bakit kaya paborito nilang sitahin ang mga trak at hindi ‘yung iba pang mausok na sasakyan?
Kaugnay nito napansin ko rin na mula nang alisin ang trak ban ay lumala ang trapik. Ang daming mga sasakyan sa daan pero walang pumapansin sa mga batas trapiko. Ang mga trak ay kung saan-saan lumilinya, ang mga taksi ay nangongontrata, ang mga uv ay pinupuno kahit wala nang paglagyan ang mga tao sa loob, ang mga jeep, bus at iba pang pampublikong sasak-yan ay tumitigil kahit saan.
‘Pag ganito ang makikita mo ay masasabi mong may pagkatama ang isinulat ni Dan Brown sa isa sa kanyang mga nobela na ang Metro Manila ay pintuan patungo sa impiyerno.