firingMUKHANG ang lahat ng puwedeng maisip at ibato ay gagamitin ng mga kalaban ni Vice President Jejomar Binay, para durugin ang hangarin niyang tumakbo para pangulo sa 2016.
Marami ang nagulat nang sabihin ni Senator Antonio Trillanes kamakailan na kasama raw si Binay sa pagpaplano ng rebelyon laban kay dating President Gloria Arroyo noong 2007.
Nais daw pamunuan ni Binay, na alkalde pa noon ng Makati, ang isang “civilian-military junta” kung nagtagumpay ang pag-aaklas ng mga sundalong Magdalo laban sa administrasyong Arroyo.
Nangako raw na magpapakilos ng mga empleyado ng city hall, maralita ng Makati at ibang grupong sasama kay Trillanes kapag nag-walk out siya sa korte sa paglilitis ng 2003 Oakwood Mutiny. Paglabas daw nina Trillanes sa korte sa araw ng pag-aaklas ay wala si Binay at ang grupo nito.
May mga nagduda sa pahayag ni Trillanes dahil kung totoo raw ito, bakit nanahimik ang senador sa loob ng pitong taon? Bakit ngayon lang niya ito ibinunyag sa panahon na pinauulanan nila ng iba’t ibang isyu si VP Binay at winawasak ang tsansa nitong maging pangulo sa 2016?
Pati si Senator Miriam Defensor Santiago ay pumasok sa eksena, at nagpahayag na puwede pa raw kasuhan si Binay sa pakikipagsabwatan umano kay Trillanes para ibagsak ang gobyernong Arroyo noong 2007.
Kahit nabigo si Binay na pagalawin ang kanyang mga tagasuporta ay sapat na raw ang pagpayag nito sa gagawing pag-aaklas para maging kasabwat.
Mula nang matuklasan ang rebelyon noong 2007 ay may 10 taon daw ang gobyerno para habulin at panagutin ang gumawa at nagsabwatan dito.
Pero batid din naman ng lahat na isa si Santiago sa mga nagbabalak tumakbo para pangulo sa 2016, kaya natural lang kung gustuhin man niya na mawala si Binay sa kompetisyon.
Itinanggi man ni Binay ang lahat ng alegasyon ng anomalya at rebelyon ay hindi titigil ang mga kritiko at kalaban sa politika sa pagbato ng lahat ng kanilang maiisip para pabagsakin siya bago sumapit ang 2016.
Pero mukhang marami pa rin ang hindi naniniwala sa mga negatibong isyu laban kay Binay, at patunay rito ang resulta ng ratings sa mga survey na siya pa rin ang nanatiling pinakamalakas na kandidato sa hanay ng mga tatakbo para pangulo sa 2016.
Hindi natin sinasabi na walang kasalanan si Binay sa mga isyung naglabasan. Pero dapat daanin sa korte ang mga akusasyon upang sumailalim sa tamang proseso, at hindi sa pagdinig ng subcommittee ng Senado na ang umuusig ay nagmumukhang pangsariling interes ang ipinaglalaban at hindi ang tungkulin sa bayan.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View
Robert Roque Jr.