HINDI lubos na pribado ang Facebook post ng isang user kahit pa naka-’friends’ ang setting nito o ang makakikita lamang ay ang kanyang ‘friends’.
Ito ang paalala ng Korte Suprema sa lahat ng gumagamit ng sikat na social networking site kasunod ng dinesisyonang kaso hinggil sa limang estudyante sa Cebu na hindi pinayagang maka-graduate dahil sa malaswang litrato na kumalat sa Facebook.
Sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman na pirmado ni Associate Justice Presbitero Velasco Jr., sinabi niyang kahit pa i-post ang isang litrato sa ‘friends’ setting o limitado lamang sa accounts ng inaprubahang ‘friends’, maaari pa rin itong mai-share at gamitin para mag-tag ng ibang FB users na hindi pasok sa network ng friends o estranghero na sa orihinal na nag-post.
Ibinasura sa desisyon ang writ of habeas data na inihain ng mga magulang ng mga batang sangkot sa gulo sa St. Theresa’s College sa Cebu noong 2012.
Nag-ugat ang reklamo sa sinasabing hindi paggalang ng eskwelahan at ng computer teacher na si Mylene Rheza Escudero sa ‘rights to privacy’ ng mga mag-aaral nang i-access nila ang FB accounts at i-download ang mga larawan na makikitang naka-bikini at naninigarilyo ang mga bata.
Ayon sa mga estudyante, “very private” ang kanilang mga account at ang mga larawan ay ipinost sa ‘friends only’ setting.
Ngunit sagot ng SC: “without proof that they placed the photographs subject of this case within the ambit of their protected zone of privacy, they cannot now insist that they have an expectation of privacy with respect to the photographs in question.”
Kinilala rin ng SC ang testimonya ni Escudero na ang mga kaklase at kaibigan ng mga estudyante ang nagpakita sa kanya ng mga litrato.
“Also, when the post is shared or when a person is tagged, the respective Facebook friends of the person who shared the post or who was tagged can view the post, the privacy setting of which was set at ‘Friends’.”
Paalala ng SC sa social media users: “Furthermore, and more importantly, information, otherwise private, voluntarily surrendered by them can be opened, read, or copied by third parties who may or may not be allowed access to such.”
Internet Law expert nabahala sa SC ruling sa Facebook privacy
BAGAMA’T ikinatuwa na natalakay ang usapin ng privacy sa social media, ikinabahala ng isang eksperto sa usapin ng Internet Law ang pinakabagong desisyon ng Korte Suprema.
Sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman na pirmado ni Associate Justice Presbitero Velasco Jr., sinabi niyang kahit pa i-post ang isang litrato sa ‘friends’ setting o limitado lamang sa accounts ng inaprubahang ‘friends’, maaari pa rin itong mai-share at gamitin para mag-tag ng ibang FB users na hindi pasok sa network ng friends o estranghero na sa orihinal na nag-post.
Self-regulation na lang, ayon sa SC, ang pinakamabisang depensa laban sa breach of privacy lalo na ngayong panahon ng selfie generation.
Ngunit sinabi ni Atty. JJ Disini, “mabigat na ruling” ito ng SC lalo na’t malaking usapin ang terminong privacy sa social media.
Ang social networking site na Facebook aniya ay may sariling ‘privacy settings’ para “precisely ma-control mo ang flow ng information” na nagbibigay kapangyarihan sa user na igiit ang kanyang ‘right to privacy’.
Ngunit lumalabas aniya sa desisyon ng SC na kahit i-set o limitahan mo lamang ang audience ng isang post, “basta may ibang taong nakakakita, wala ka nang right to privacy du’n sa mga bagay-bagay na ‘yun.”
“Tingin ko, medyo nakakatakot ‘yung desisyon ng Supreme Court kasi, ipagpalagay natin na nag-take kayo ng pictures, tapos yung mga litratong ‘yun shinare mo sa mga kaibigan mo, ipinakita mo siya sa lima o anim mong kaibigan, ibig sabihin ba na ‘yun na yung anim na kaibigan mo may karapatan na sila na ipakita du’n sa ibang tao?
“So ibig sabihin nu’n, ano nang ibig sabihin ng right to privacy mo?,’ paliwanag ni Disini.
Bagama’t hindi pa nababasa ang desisyon, ang impresyon ni Disini, oras na mag-post ka sa social media, iwini-waive na ng user ang kanyang privacy.
Paniwala pa ng abogado, patama ito sa mismong sentro ng privacy na kontrolado mo ang pag-aabutan ng impormasyon.
Dito aniya nakasalig ang isang bagong batas sa bansa na Data Privacy Act o Republic Act 10173 na sinasabing ang “personal information, kontrolado mo ‘yan. Hindi pwedeng i-process ‘yan, hindi pwedeng i-disclose sa ibang tao nang walang consent mo.”
Kaya paniwala ni Disini, magiging malaking usapin ngayon sa social media ang desisyong ito ng SC.
Bagama’t nilinaw niyang “grateful” pa rin siya sa SC sa paglalabas nito ng desisyon dahil nananatiling malaking problema ang pagbalanse sa right to privacy at social media. Lalo na aniya’t pagiging online ang “future”ng henerasyon ngayon.