Wednesday , December 25 2024

Napababayaan ba natin ang Maguindanao massacre?

MUKHANG natutok ang atensyon ng publiko sa mga isyu kaugnay ng politika nang matagal ding panahon, kaya napabayaan ang malupit na insidente sa Maguindanao na kumitil sa buhay ng 58 katao noong Nobyembre 23, 2009.

Ilang armadong grupo na may kaugnayan sa ama at mga miyembro ng angkan ng mga Ampatuan ang pumigil sa convoy ng noon ay Buluan Vice Mayor Esmael Mangudadatu, at pinagbabaril ang mga biktima na papunta sa opisina ng Commission on Elections para magsumite ng kanyang certificate of candidacy para sa halalan noong 2010,

Mahigit 30 sa mga biktima ay miyembro ng media habang ang iba ay tagasuporta ni Mangudadatu. Ang kanilang mga katawan kasama ng kanilang mga sasakyan ay inilibing gamit ang backhoe na natunton sa pamahalaang lokal.

Noong isang linggo lang, pinayagan ni Quezon City RTC Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes ang bawat isa sa 17 pulis na nasangkot sa krimen na magpiyansa ng P200,000 para sa bawat isa sa 58 kasong murder, na umaabot sa kabuuang P11.6 milyon.

Ang mga akusado ay nakatalaga umano sa checkpoint sa Barangay Salman sa bayan ng Ampatuan kung saan pinigilan din ang convoy, bago dukutin at patayin ang mga biktima. Gayunman, nabigo silang rumesponde sa mga alerto na may nagaganap sa lugar na pinangyarihan ng masaker.

Pero wala raw matibay na ebidensyang nakita ang korte para patunayan na nagkasala ang mga nasabing pulis.

Dapat magsilbing babala ito hindi lang sa prosekusyon kung hindi pati sa publiko na dapat manatiling mapagbantay at ipakita na lagi tayong nakasubaybay sa takbo ng kaso, bilang suporta sa pamilya ng mga biktima at sa kanilang mga panalangin na mabigyan ng hustisya ang sinapit.

Kung magpapabaya tayo, ang susunod na magagawaran ng pansamantalang kalayaan sa kaso, huwag naman sanang mangyayari, ay maaaring isang miyembro ng kinatatakutang angkan ng Ampatuan.

Gamit ang kanilang mga baril, pera at tauhan ay pinamunuan ng makapangyarihang angkan ng Ampatuan ang lugar ng Maguindanao sa loob ng ilang dekada. Ang mga tao ay namuhay nang palagiang may kaba dahil kung hindi umano makukuha ng mga Ampatuan sa panunuhol ang kanilang gusto ay pinapatay nila ang sino mang hahadlang sa kanila.

Nabunyag sa ilang ulat na may mga pagtatangka para suhulan ang mga testigo, abogado at opisyal ng hudikatura na sangkot sa kaso na halos limang taon nang umaandar. Isang pribadong tagausig ang umaming tinanggihan niya ang P300-milyon suhol mula sa kampo ng Ampatuan.

Ayon kay Lakmodin Saliao, isang testigo ng prosekusyon na matagal nanilbihan noon sa mga Ampatuan, may P20 milyon na idineposito raw sa bank account ng isang Justice undersecretary, pero tahasan itong itinanggi ng opisyal.

Inilarawan ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ang Maguindanao massacre bilang pinakagrabeng kaganapan ng pamamaslang sa kasaysayan.

May 111 pa lang sa kabuuang 195 akusado sa kaso ang naipakulong. Sa walang katapusang kabagalan ng takbo ng sistema ng ating hustisya, ang isang malaking kaso na tulad ng Maguindanao massacre ay maaaring abutin nang mahigit 100 taon bago matapos. Buhay pa kaya ang sino man sa atin sa panahong iyon?

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

Robert Roque

About hataw tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *