NAKITA NA NI KURIKIT ANG KOMUNIDAD NA BAGONG TIRAHAN NA LUBHANG MALAYO SA PINANGGALINGAN
Nakarating siya sa inuuwian ng bina-tilyo at dalagita. Isang tila bahay-bahayan iyon na nakatayo sa tabing-ilog. Gawa ang buong kabahayan sa pinagdugtung-dugtong na kahoy at pinagtagpi-tagping karton, plastik at yero. ‘Di hamak na mas malaki at maayos pa rito ang dog house ng ma-yayamang pamilya sa kapaligiran. Mabaho at marumi ang ilog na ginawang tapunan ng samo’t saring basura at ng mga patay na hayop. Sa araw at gabi ay aali-ali-gid ang kawan ng mga lamok at langaw na nagliliparan.
Nakilala ni Kurikit sa kanya-kanyang pangalan ang bawa’t miyembro ng pamilya ng binatilyo at dalagita. Si Mang Nato ang ama ng tahanan. Si Aling Rosing ang ina. Panganay na anak ang binatilyong si Abet na disisais anyos. Si Rachel ang katorse anyos na dalagita. At ang bunso ay ang limang taong gulang na batang lalaki na si Bitoy. At kung paano niya inilapit ang sarili kina Abet at Rachel ay gayon din ang ginawa niya para mapaamo sina Mang Nato, Aling Rosing at Bitoy. At nagpatawag naman siya sa pangalang “Kit,” ang pinaigsing Kurikit.
Siyang-siyang pinagmasdan ni Kurikit ang pagsasalo-salo sa hapunan ng buong pamilya nina Abet at Rachel. Nakitikim siya ng fried chicken at burger steak na galing sa lalaki na ginawa niyang ‘mapagkawang-gawa’ sa kapwa. Nagustuhan din niya ang pagkaing iyon ng mga taong mortal. Pero napansin niya na agad nagtabi si Aling Ro-sing ng isang pirasong hita ng fried chicken sa styropor. Nabasa niya ang laman ng isipan nito: “Para bukas ay sigurado nang may makakain si bunso sa almusal.” Mapagmahal talaga ang puso ng isang ina. Katulad din ng kanyang inang si Kookay na prayoridad lagi ang kapakanan niya. Nabuhay tuloy sa diwa niya ang masasayang araw nilang mag-anak noong siya ay bata pa.
Bigla tuloy nabuhay sa diwa ni Kurikit ang larawan ng inang si Kookay. Naikuwento ng kanyang ama na parati itong puyat gabi-gabi sa pagtitimpla ng gatas niya. Malakas daw kasi siyang dumede. At nagkakandautot pa sa pagkalong sa kanya kapag ipinaghehele siya nito sa pagtulog. Noong marunong na siyang tumakbo-takbo ay kinakailangan nang gumamit ng kapangyarihan ng ina upang masundan-sundan siya sa paglalaro. Hindi naman daw sa ayaw nitong madapa at masaktan siya. Nag-aalala noon ang ina na baka makasakit siya ng kapwa batang duwendeng naglalaro sa labas ng kanilang punso na halos hanggang tuhod lang niya ang taas. (Itutuloy)
ni Rey Atalia