MISERABLENG PAMUMUHAY, PAGHIKAYAT NA MAGREBELDE SA PAMAHALAAN
Ultimo mga batang paslit na taga-roon ay natamnan na raw ng maka-kaliwang idelohiya. Na sa pagsasama-sama o pakikipaglaro sa kapwa bata ay isinisipul-sipol o ini-hihimig-himig ang orihinal ng kantang “Internationale” ng bansang Pransiya. At bu-nga umano niyon kung kaya madaling nahihikayat at nalalason ang kaisipan ng mga dukhang nakararanas ng miserableng pamumuhay na magrebelde sa pamahalaan, ayon na rin sa puna ng mga kasundaluhan.
Labis na dinamdam ng Nanay Soledad ni Titser Lina ang kamatayan ng kanyang ama. Biglaan ang panghihina nito na nauwi sa pagkakasakit. At binawian ito ng buhay makalipas ang isang taon at kalahating pa-ngungulila sa pinakamamahal na asawa.
Matagal-tagal nang nakakaalis ang mga dating estudyante ni Titser Lina ay naroon pa rin sa mga labi niya ang ngiti ng kaligayahan. Pinasigla ang puso niya ng mainit na yakap na ipinadama sa kanya ng bawa’t isa. At maliban sa pasalubong na naka-styrophor na spaghetti, fried chicken at paborito niyang suman sa liha ay mayroon pang munting alaala sa kanya ang limang promotor ng panukalang reunion ng Batch 2004.
Sa dami ng mga mag-aaral na nahawakan ni Titser Lina sa high school ay ‘di-na niya matandaan ang mga pangalan at mukha ng mas nakararami sa kanila. Mayroong nagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo sa Maynila. O doon na naninirahan. May mga dumayo sa mga karating probinsiya. At may mga nakapag-abroad din.
Binuklat-buklat ni Titser Lina ang isang Year Book. Pinagmasdan niyang mabuti sa pahina niyon ang kupas nang larawan ng Batch 2004. Kita niya sa nakakahong larawan ng mukha ni Anthony sa Year Book ang kislap ng mga mata nito sa pagtatamo ng pinakamataas na karangalan sa lahat ng mga nagsitanggap ng diploma. At sa marahan niyang pag-uguy-ugoy sa kinauupuang tumba-tumba ay mistula namang idinuduyan ang gunita niya sa nakalipas na kahapon.
Sa pagkaalam ni Titser Lina ay nag-enroll at nagtapos si Anthony sa Philippine Military Academy (PMA). Sumunod ito sa yapak ng ama na isang dating sundalo na may ranggong sarhento. “Idolo ko ang tatay ko,” nasabi nito noon sa kanya. Nabaril at napatay ang tatay ni Anthony nang magkasagupa ang tropang AFP at NPA sa Barangay Sulangan. Bitatilyo pa lamang noon ang estudyante niyang naging valedictorian. (Itutuloy)
ni Rey Atalia