NAMAMAALAM NA SI MINAY PERO HANGAD PA RIN NIYANG MAKASAMA SI TOTOY SA PAROROONAN
Ang mapuputlang palad ni Carmina na mistulang ibinabad sa yelo ay gagap ni Aling Azon na nakaupo sa sahig. Sa kabilang panig, yakap naman ni Abigail ang nakatatandang kapatid na hinahagkan-hagkan sa noo at hinahagod-hagod ng kamay ang nakalugay na buhok sa banig. Ang batang si Obet, sa pagkakalupasay sa sahig, ay walang tigil sa pagpapahid ng kamay sa sipon at luhang nagsasanib sa madangol na pisngi.
Nangalog ang mga tuhod ko sa marahang mga paghakbang. Papalapit na papalapit sa kinararata-yang higaan ni Carmina ay giyagis na ako ng matinding takot na noon lamang naranasan sa buong buhay ko.
Hindi ko naintindihan kung ano ang sinabi ni Carmina kay Abigail. Dinampot ng dalagita sa tabi ng unan niya ang isang cellphone. May pindot-pindot si Abigail sa keypad ng cellphone. Tumunog ito. Isang himno ang awiting pumuno sa nakabibinging katahimikan.
Matapos ang awiting pinatugtog sa cellphone ay luminga si Crmina sa inang kagat-kagat nang mariin ang mga labi. Sa habol-hiningang pagbubuka ng nagbibitak na mga labi ay naisatinig niya ang samo’t lambing kay Aling Azon: “Ipagpatuloy n’yo ang pagpapadoktrina para magkasama-sama tayo sa paroroonan ko. A-at sana, mahikayat n’yo si Totoy…”
Sapat ang mga katagang narinig upang ang isang lalaking tulad ko na may matigas na kalooban ay mapatangis. At hindi ko nagawang maikubli ang malalaking patak ng luhang bumukal sa aking mga mata.
Gumaralgal ang tinig ko: “M-Minay… narito ako.”
Nabosesan ako ni Carmina. Nag-angat siya ng paningin at pilit inaninaw ang mukha ko. Nang mapaluhod ako sa tabi niya ay marahan siyang nag-angat ng isang kamay. Humaplos sa pisngi ko ang kanyang malamig na palad.
“H-hihintayin kita do’n sa langit, ha?”
Tumulo sa sahig ang malalaking patak ng luha ko sa pagtango. Pahagulgol na naipangako ko sa babaing aking iniibig: “S-susundan kita sa pupuntahan mo.”
(Itutuloy)
ni Rey Atalia