Kitang-kita ko ang malalaking pagbabago sa buhay ni Carmina mula nang mabautismuhan sa sektang kinaaaniban din ng kaklase naming si Arsenia. Namuhay siya ng simpleng-simple at payak na payak. Kuntento na siya at laging may lakip na pasasalamat sa mga tinatanggap na anupamang biyayang dumarating sa araw-araw. Sa pagsusuma ko, bunga ‘yun nang mahigpit na pagyakap niya sa mga aral na idinoktrina ng manggagawang si Ka Rading.
Nangibabaw sa akin ang paghatol na totoo ang sabi-sabing nagsisilbing “opyum ang relihiyon” sa isang tao. Pampamanhid daw ng utak upang matakasan ang pinagdaraanang mga dusa at hirap. Sa isang banda, binigyan ko rin ng kredito ang sinumang “umimbento” sa Diyos. Sa kabila kasi ng mga paghihirap at pagdurusa sa buhay ni Carmina ay nababakas ko sa anyo niya ang kapayapaan at kaligayahan sa tinatanaw na pag-asa sa darating na bukas.
Isang araw ng Biyernes, nang maparaan ang minamaneho kong traysikel sa tapat ng bahay nina Carmina ay napansin kong madilim ang loob ng kanilang kabahayan. Nagtaka ako dahil dapat ay may idinadaos na Bible study doon para kina Aling Azon at sa anak nitong si Abigail.
Inabutan ko si Abigail na nakaupo sa hagdanan, may luha sa mga mata habang yakap sa pagkakalong ang kapatid na si Obet.
“Isinugod na naman ni Nanay sa ospital si Ate Minay,” ang malungkot na pagbabalita sa akin ng dalagita.
Kulang na lang ay paliparin ko ang aking sasakyan matapos mabanggit ni Abigail ang pangalan ng pampublikong pagamutan na matatagpuan din sa Tondo.
Punumpuno ang silid ng ospital sa mga pasyente, mga bantay ng pasyente at dalaw. Ang kama ni Carmina ay malapit sa pintuan.
Nabungaran ko si Aling Azon na nakaupo sa silyang nasa gilid ng kama. Namumugto ang mga mata ng matandang babae. Pansin ko ‘yun. At tangan nito ang makapal-kapal na reseta ng doktor.
Alam kong mabigat na problema sa isang walang-walang ang pambili ng mga gamot. Bagama’t libre ang serbisyo ng mga doktor, ang gamot ng pasyente ay kinakailangang bilhin sa labas. Walang maibigay na libreng gamot para sa mga maysakit na karamihan ay pobre. Kalimitan nga kasi ay kapos sa pondo ang marami sa mga pampublikong pagamutan. Kaya higit-kumulang, hindi man magsabi ang ina ni Carmina, ay nahulaan kong pera ang gumugulo sa isip nito.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia