EWAN kung ano ang mangyayari sa pagpasok ng Department of Labor and Employment sa usapan tungkol sa working hours sa pelikula at telebisyon. Noong araw pa ay may usapan na ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula, na kinakatawan ng kanilang mga guild, ang mga producer na kinakatawan naman ng kanilang mga asosasyon, ang PMPPA at IMPIDAP, gayundin ang Film Academy na pinamumunuan ng isang director general na appointee ng presidente ng Pilipinas. Ang idea riyan ay nagkakaroon na nga ng tripartite representation na may superbisyon ang gobyerno sa kasunduan ng mga manggagawa at ng mga namumuhunan.
Sa kasunduan nila noon, maliwanag na ang trabaho lamang ay walong oras kagaya ng ibang mga manggagawa sa ibang industriya, pero dahil nga sa nature ng trabaho sa showbusiness, maaaring ma-extend ang working hours pero hindi dapat lumampas sa 14 na oras sa isang araw. Ang mga manggagawa sa industriya ay binabayaran per contract, per project. Ang mga manggagawa rito ay walang overtime pay, walang night differential, at dahil contractual employees nga, walang medical at retirement benefits.
Dahil din sa ganyang sitwasyon, kaya nila naisipang itayo noong araw pa iyangMowelfund. Pero hindi kagaya noong araw na si Erap pa ang humahawak na talagang naghahanap siya ng pondo para sa mga manggagawa, nitong mga nakaraang taon, ang inaasahan na lang ng Mowelfund ay ang kinikita nila saMetro Manila Film Festival, na napakaliit din naman dahil ang dami ng nakikihati sa kanila. Pati iyong Optical Media Board na isang ahensiya ng gobyerno nakikihati pa sa kita ng festival.
Hindi rin namin malaman kung bakit ang “social fund” ng presidente ng Pilipinas ay nakiki-arbor pa sa kita ng festival, gayung napakalaki na ng nakukuha niyon mula sa PCSO at Pagcor. Sana nga iyong susunod na presidente, huwag nang maki-arbor sa napakaliit na kita ng festival.
Ang hinihingi lang naman ng mga manggagawa, sana naman limitahan din ang oras ng kanilang trabaho. Ewan namin kung maipatutupad na iyan ngayon. Alalahanin ninyo, iyang mga tauhan ng DOLE, co-terminus iyan sa presidente ng Pilipinas, kaya asahan ninyo pagdating ng June 30, wala na riyan ang secretary of labor ngayon.
HATAWAN – Ed de Leon