SABI sa amin ng isang kaibigang political adviser ng isang kandidato, hindi naman daw masasabing totoo iyong nasabi naming minsan na ang mga kandidato ay nakikisakay lang sa popularidad ng mga artista. May mga artista rin daw na nakikisakay sa popularidad ng mga kandidato.
Kung sa bagay totoo naman iyan. May mga artistang may ibang agenda bukod sa paniniwalang ang mga kandidatong ikinakampanya nila ay makatutulong sa bayan. Maaaring ang ikinakampanya nila ay makatutulong sa kanilang sarili o sa mga kaanak nila na kandidato rin. May alam kaming nakikisakay dahil alam niyang lubog na siya. May alam naman kami na nag-endorse dahil tumanggap ng napakalaking bayad na hanggang ngayon idine-deny pa, na akala mo naman may manghihingi sa kanya ng balato.
Ang punto namin, kung mga artista ang nagkakampanya, huwag na lang ninyong iboto.
HATAWAN – Ed de Leon