TILA sumusunod sa yapak ni Allen Dizon ang anak na si Felixia Dizon. Itinanghal kasing Best Child Actress si Felixia sa 18th Gawad Pasado Awards na gaganapin ang awards ceremony sa April 16, sa University of the East Auditorium.
Si Felixia ang napili ng jury dahil sa makatotohanan at epektibo niyang pagganap sa pelikulang Child Haus ng BG Productions International na mula sa pamamahala ng magaling na direktor na si Louie Ignacio. Gumanap dito ang 10 year old na si Felixia bilang pinakabatang cancer patient na inaaruga ng Child Haus ni Mother Ricky Reyes.
Ang pelikulang Child Haus ay kinilala rin kamakailan sa 14th Dhaka International Film Festival sa Bangladesh bilang Best Picture sa Children’s Category.
Ikalawang pelikula pa lamang ni Felixia ang Child Haus. Una siyang ipinakilala sa highly acclaimed movie na Magkakabaung ni DirekJason Paul Laxamana na humakot ng kaliwa’t kanang acting awards si Allen, both sa ‘Pinas at sa abroad.
Nagpamalas din si Felixia ng magaling na performance sa isa pa niyang pelikula, ang Laut mula pa rin kay Direk Louie nang naging opening film ito sa katatapos na Singkuwento Film Festival ng National Commission for the Culture and the Arts (NCCA). Gumanap siya rito bilang batang Badjao na namamalimos sa kalye.
Ayon kay Felixia, pumayag lang ang kanyang parents na mag-artista siya dahil bakasyon noon. Pero nangako siyang hindi pababayaan ang pag-aaral.
“Masaya ako sa achievement na ito ng anak ko. Supportive naman ako sa kanya, basta studies muna ang priority niya dapat.
“Bilang tip ko naman sa kanya sa pag-arte, sinasabi ko lang na dapat natural lang at hindi over acting ang gawin niya lagi,” saad ni Allen.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio