ISA sa pangarap ng masipag na komedyanteng si Pareng Lino ay ang makatrabaho rin sa pelikula ang magaling na actor na si John Lloyd Cruz. Bahagi si Pareng Lino ng sitcom na Home Sweetie Home ng ABS CBN na tinatampukan nina Lloydie at Toni Gonzaga at dito niya nakilala nang husto si Lloydie.
Kaya naman sobrang bilib ng komedyante sa Kapamilya star dahil sa kabaitan nito at propesyonalismo sa kanyang craft. Recently ay kinilala sa Berlinale Film Festival ang pelikula nina Lloydie at Piolo Pascual titled Hele sa Hiwagang Hapis ni Direk Lav Diaz. Ang tanyag at award winning Hollywood actress na si Meryl Streep ang jury president dito.
Kinuha namin ang reaction ni Pareng Lino ukol dito. “Actually, di ko panakita yung new movie ni John Lloyd, pero kahit hindi ko pa nakikita, bilib naman talaga ako kay Lloydie. Kasi bukod sa husay niya, siya ay disiplinadong artista at napakabuti pa niyang tao.
“Sa totoo lang hindi siya maingay eh… pero alam ko ang dami na niyang natulungan, na sa ibang tao ko naririnig. Bukod pa riyan, iyong napakagaling niyang makisama talaga sa lahat,” saad ng komedyante.
Bukod sa TV, sinabi ng Kalokalike ni Wally Bayola na dream din niyang makasama sa movie si Lloydie. “Oo naman, kahit sinong actor siguro pangarap yun. Kay Lloydie kasi hindi lang acting ang matutunan mo, pati iyong disiplina.
“Iba siyang katrabaho, siya iyong taong papangarapin mo talagang makatrabaho. Pero siguro di pa ako bagay doon. Kasi, bago siguro ako dumating doon, marami pang mas naka-line-up para sa kanya, bago ako, hehehe. Pero kung dumating ang pagkakataon na iyon, naku, panalong-panalo iyon!”
From Wally Waley, bakit Pareng Lino na ang ginamit mong screen name?
“Iyon na po kasi ang ipinagamit ni Direk Bobot po.”
Kung sakali, ano’ng tipo ng movie ang gusto mong makatrabaho si Lloydie? “Ako gusto ko comedy para ma-establish ang pagiging comedian ko. Dati kasi, nakagawa na rin ako ng fantasy sa Golden Bibe, pero beat role lang iyon.”
Sa ngayon, bukod sa acting ay pinagkaka-abalahan din ni Pareng Lino ang munting business niyang travel agency.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio