NAGPAKITANG gilas ang versatile na aktres na si Ana Capri sa indie film na Laut. Ang pelikula na pinamahalaan ni Direk Louie Ignacio ang opening film sa Singkuwento International Film Festival, Manila Philippines (SIFFMP) na ginanap sa Leandro Locsin Theater ng National Commission for Culture and Arts (NCCA).
Ang Laut ay ukol sa mga katutubong Badjao na napadpad sa lahat area sa Pampanga na ang ilan ay namamalimos lang sa mga karatig na lugar. Bukod kay Ana, ang pelikulang ito ng BG Productions International ay tinatampukan nina Barbie Forteza, Jak Roberto, Ronwaldo Martin, Perla Bautista, Gabbi Garcia, Erika Yu, Felixia Dizon, Rico Barrera, at iba pa.
Sasabak ang Laut sa dalawang international filmfestival sa London at Portugal, ano ang masasabi ni Ana rito? “Hopefully, sana ay ma-claim natin na mabigyan ng blessings ang pelikula naming ito.”
Nang sabihin namin na magaling siya sa Laut at posibleng manalo ng award, ito ang sagot sa amin ni Ana. “Sana Kuya Nonie ay magdilang anghel ka, sana ito na yung chance, dito sa movie na Laut,” nakangiting saad niya.
Agaw-eksena ang ginawa niyang pagligo sa batalan at pagdumi niya sa orinola, ano’ng reaction niya rito? “Mahirap umebs nang nakaharap sa camera, ha-ha-ha!” pahalakhak na saad niya.
Sinabi rin ni Ana na proud siya sa pelikulang Laut.
“Oo, proud ako sa movie na Laut. Proud ako na naging bahagi ako ng pelikulang ito, na may kabuluhan. Na maaaring magbigay ng awareness sa mga tao.Then hopefully, magkaroon ng action. Kasi, mayroon siyang message na makapagpabago naman sana sa buhay ng mga taga rito, na iyong mga authority ay umaksiyon naman sila.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio