Binay vs Roxas pa rin
Joey Venancio
January 20, 2016
Opinion
SA limang presidentiables, sina Vice President Jojo Binay at dating DILG Sec. Mar Roxas pa rin ang inaasahang maglalaban nang mahigpitan pagsapit ng halalan.
Ito’y dahil sila lamang ang may kompletong makinarya at may datung!
Sina Binay at Roxas lamang kasi ang may kompletong line-up mula sa nasyonal hanggang lokal.
Bagama’t pumapangatlo lamang sa ngayon sa mga survey si Roxas, inaasahang aangat siya kapag nagsimula na ang kampanyahan sa unang linggo ng Pebrero sa nasyonal at sa lokal sa Marso 26.
Malaking factor sa kampanya ang may kompletong kandidato sa lokal – mula gobernador, kongresista at alkalde. Sila Binay at Roxas lamang ang may ganito.
Bukod dito, sa lahat ng presidentiables, ang dalawa lamang ang may sapat na pondo na sisilaw sa maraming botanteng mahihirap.
Oo, sa mga probinsya, lalo sa mahihirap na mga bayan, ang mga botante rito ay halos sumusunod lahat sa mando ng kanilang alkalde.
Itong mga alkalde ang kumokontrol sa halos lahat ng barangay officials na silang nagiging operator o nagbabahay-bahay sa mga botante pagsapit ng halalan. Alam n’yo na… kung ano ang dala nila pag kumatok sa inyong mga pintuan isang araw bago ang halalan.
‘Yun na yon!
Kaya ang pangunguna ngayon sa surveys nina Grace Poe at Rodrigo Duterte ay malamang na hanggang doon na lang sila dahil kulang na kulang talaga sila sa tao’t makinarya.
Sina Binay at Roxas ang malamang na maglalaban ng mahigpitan pagsapit ng halalan. Wanna bet?
Maraming mahihirap ang ‘di kasama sa 4Ps
– Gandang araw po, Sir Joey Venancio. Sana po lahat ng mahirap ay makapasok sa 4Ps. Marami po kasing kapos-palad ang hindi nakasama dito at marami naman pong may kaya ang kasali sa 4Ps ng ating gobyerno. Ano ito, lokohan? – 09102402…
Totoong-totoo ito. Maraming mahihirap na pamilya ang hindi kasama sa 4Ps dahil sa politika, hindi raw botante ng barangay officials at ng mayor. May mga pamilya namang maayos ang pamumuhay na kasali pa rin sa 4Ps dahil malakas sa barangay kapitan at sa mayor. Dapat itong imbestigahang mabuti ng DSWD national.
Bentahan ng droga sa police station sa Quiapo
– Sir Joey, akala namin ay patay na si “Lolong”? Pero dito sa Maynila, malaking Lolong (pinakamalaking buwaya sa mundo na nahuli sa Mindanao) dito sa Quiapo ang puntahan ng mga adik. Anong silbi ng mga Pulis-Manila, bakit hindi ba nila alam na bentahan ng droga dyan mismo sa pasilidad ng police station dyan sa Quiapo? O sila mismo ang mga nagbabantay nito kaya walang nahuhuli kasi malaki ang lagay sa kanila? Maawa naman sila sa mga estudyante na nasira ang pag-aaral dahil sa sila mismo na na dapat humuli sa kanila ay sila pa ang tulak na mga pulis sa Quiapo. Magkano ba ang lagayan dyan kay Lulong? Pati nga yagit dyan mo makikita kay Lulong. Mayor Estrada, aksiyunan mo naman ito. Wag po ilabas ang numero ko. -Concerned citizen
Ilalampaso ni Bongbong si Chiz
– Sir Joey, talagang ilalampaso ni Bongbong si Chiz sa pagka-bise presidente. Puro salita lang kasi yang si Chiz. Hindi yan mananalo kay Bongbong. May solid vote si Bongbong sa Ilocos, habang si Chiz ay hindi mananalo kahit sa kanyang balwarte. Kaya tama yang surveys na dikitan na sila ngayon. Sa mga susunod na buwan, iiwanan na yan ni Bongbong, Tiyak yun! -09461287…
Wag alisina ng 4Ps
– Good am, Sir Joey, Nabasa ko sa Police Files TONITE na tanggalin na raw ang 4Ps para ibigay nalang sa senior citizens. Hindi po dapat… dahil sa 4Ps pati mga bata na nag-aaral natutulungan mabigyan sila ng magandang kinabukasan. Kaya ako po na senior citizen ay hindi pabor dyan. – 09084808…
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015