ANG sinasabi nila tungkol kay Dennis Trillo, para raw hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang hitsura. Mukhang bata pa rin siya. Natawag niya ang atensiyon ng lahat nang pumasok siya sa press conference ng pelikula niyang Lakbay2Love, kasi nga para raw siyang hindi nagbabago.
Pero sinabi ni Dennis kung ano ang kanyang sikreto. Cycling pala. Nagsimula raw siya sa mga BMX bikes noon, hanggang umabot siya sa mas sophisticated na bikes at ngayon nga ay nagbabalik siya sa road biking. Kung sabagay iyan namang cycling talaga ay sinasabing mabuting exercise para sa katawan ng tao dahil talagang kumikilos ang buong katawan.
Incidentally ang pelikula nila ay tungkol sa cycling at tungkol din sa climate change. Kaya nga sinasabi rin ni Dennis na hindi lamang nila inaasahan na makae-entertain sila, kundi makapagbubukas pa sa isipan ng mga makakapanood na talagang mayroong isang malaking problema na kailangang magkakatulong bigyan ng solution, iyan nga iyong global warming.
Natural lang naman na ang sagot diyan ay kailangang magkaroon ng mas maraming puno. Kailangan ding itigil ang mga pinagmumulan ng pollution. Hindi rin naman maikakaila na ang pinagmumulan ng malaking pollution ay mga sasakyan. At doon nga muling pumapasok ang cycling dahil wala iyang pollution at nakabubuti pa nga sa katawan.
Pero sinasabi nga ni Dennis na kung susubukan ng sino man ang cycling, kailangan ang lubos na pag-iingat. Kailangang may reflector sa mga damit, o kaya naman magkaroon ng ilaw ang bike sa harap at sa likod, kasi totoo nga namang maraming mga cyclist ang nadidesgrasya lalo na sa gabi.
Gusto naming panoorin ang pelikulang iyan dahil may katuturan.
HATAWAN – Ed de Leon