Nanatili ring pinakatinutukan ang primetime block (6PM – 12MN) ng ABS-CBN sa buong 2015 sa average national audience share nito na 50% kompara sa 31% ng GMA 7. Ibig sabihin, kalahati ng mga manonood sa bansa sa pinagsamang urban at rural homes ay sumusubaybay sa mga dekalibreng programang handog ng ABS-CBN Primetime Bida.
Ang primetime ang pinakamahalagang timeblock dahil sa mga oras na ito may pinakamaraming nanonood kung kaya’t importante ito sa advertisers na naglalagay ng patalastas para maabot ang mas nakararaming Pilipino sa buong bansa. Mas mapagkakatiwalaan ang datos ng Kantar Media na batay sa 2,609 na kabahayan sa parehong urban at rural areas sa bansa. Mas marami at eksakto kaysa sa service provider ng ibang networks, ang AGB Nielsen, na mayroong 1,980 kabahayan na nakabase lamang sa mga urban area. Kinakatawan ng Kantar Media ang 100% ng mga kabahayang may telebisyon sa Pilipinas, habang umano’y 57% lamang ang kinakatawan ng AGB Nielsen dahil hindi kasama ang rural areas sa datos nito.
Samantala, namayagpag din ang ABS-CBN sa listahan ng top 20 pinakapinanood na programa sa bansa sa 2015 kung saan 19 dito ay mula sa Kapamilya Network.
Pinakapinanood na programa noong nakaraang taon ang The Voice Kids (41.7%) na sinundan ng FPJ’s Ang Probinsyano (38.8%), Nathaniel (34.6%), Pangako Sa’Yo (33.5%) at MMK (30.5%). Bagamat halos isang buwan pa lang umeere ay pumasok pa sa ikaanim na puwesto ang Dance Kids sa average national TV rating na 30%. Sinundan ito ng Dream Dad (29.9%), Your Face Sounds Familiar Season 1 (29.8%), Forevermore (29.2%) at sa ikasampung pwesto ay ang numero unong newscast sa bansa, ang TV Patrol (28.2%). Kabilang din sa top 20 ang mga programang Wansapanataym (27.9%), Rated K (25.2%), Your Face Sounds Familiar Season 2 (25.1%), Home Sweetie Home (24.2%), The Voice of the Philippines (23.2%), Pasion De Amor (23%), Bridges of Love (22.2%), Goin Bulilit (21.4%), at On the Wings of Love (21.3%).
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio