Ratsada uli si VP Binay
Joey Venancio
January 8, 2016
Opinion
NAKAREKOBER na nga yata si Vice President Jojo Binay mula sa pagbagsak ng kanyang ratings sa mga survey.
Kung siya’y nag-top sa latest surveys para sa pagka-presidente ng Pulse Asia at SWS, kamakalawa ay nagtala uli siya ng pinakamataas na approval at trust ratings sa mga government official.
Oo, nakakuha si VP Binay ng +52 approval rating o mas mataas na siyam na puntos mula sa kanyang dating rating na +49 noong Seytembre, habang +49 o mas mataas nang 10 puntos ang kanyang trust rating mula sa dating +39.
Kaya medyo na-rattle na naman ang mga mahigpit na katunggali ni Vice President na sina Mar Roxas, Sen. Grace Poe at Rodrigo Duterte.
Asahang titindi pa ang bakbakan ng mga kandidatong ito para ma-dislodge uli si VP sa itaas.
Kanya-kanyang gimik na naman ‘yan!
Sabi nga ng ating texters:
– Sir Joey, taga-Mindanao kami. Kahit anong paninira ang gawin nila kay VP Binay, siya pa rin ang aming iboboto. ‘Wag n’yo na lang po ilabas ang numero ko. – Eric Garcia ng Sibugay Zamboanga
– Boss Joey, salamat sa Diyos at nangunguna uli ngayon sa surveys si Binay. Kami rito sa Bulacan ay solid Binay. Ayaw namin kay Duterte na mamamatay-tao at ayaw din namin kay Grace Poe na isang Amerikano. Salamat, boss Joe. – 091934955…
2 salot na tulak sa Abuyog, Leyte
– Report ko po dito sa Brgy. Paguite, Abuyog, Leyte, itong dalawang drug pushers dito. Matagal nang sinumbong sa PDEA ito, bakit hindi pa nila hinuhuli? Salot sila dito sa aming lugar. Sila sina alyas Negra at alyas Padre. Sana maaresto na ang dalawang ito. Wag ilabas ang number ko. – Concerned citizen
Ang laki pala ng nagastos ni Binay sa political ads
– Boss Joey, wow… ang laki pala ng ginastos ni VP Binay sa kanyang radio at TV ads. Halos pumapatak ng P600 million para makilala siya ng husto ng taongbayan. Isipin mo P600M! Bakit hindi nya nalang pinamigay doon sa mga pulubi na nagkalat dyan sa Metro Manila, kung saan natutulog sa gilid ng kalsada at karton lang ang kanilang sahig at ang iba naman sa kariton lang natutulog. Dapat ay binili nya nalang ng mga pagkain, damit at gamot para doon sa mga pulubi. Kasi last January 3 dumaan ako doon sa Manila bay ang daming mga pulubi natutulog lang malapit sa seawall. Naku Binay… gising ka naman dyan! – 09103589…
Hinaing ng mga nakatira sa bunkhouse sa Tacloban City
– Mr. Joey Venancio, reklamo ko lang ang tungkol sa mga pangakong napapako ni … (presidente ng mga nakatira sa bunkhouse) at city govt. Mahirap ang kalagayan namin dito sa mga bunkhouse sa Suhi, Tacloban City. Hirap na hirap na po kaming mga taga-Brgy 37 reclamation area. Simula nang ilipat kami dito sa bunkhouse, napilitan po kaming iwan ang aming mga dating tinitirahan dahil sa magagandang pangako na ngayo’y napapako. Don’t publish my number. – Concerned citizen
Kaya mabagal ang dispatching ng pasahero sa Terminal 3
– Sir Joey, ganito po yun: Kaya mabagal ang dispatching ng pasahero sa Terminal 3 ay dahil sa kawalan ng taksing yellow cab. Dahil kaming mga driver ay alam na alam na namin ang palakad dyan. Kaya bibihira ang pipila dyan na taxi kasi pag may positive o longshot sa mga provinces ay doon binibigay sa driver na kontak nila o mataas magbigay ng pera bilang kapalit sa pasahero, ‘di katulad sa ibang terminal na kung sinong matapat ay sya ang sasakay. Kaya nababalam ang pasahero kaaantay sa gusto nilang bigyan. Kaya sa halip na sasakay ka na at ikaw ang una ‘di ka parin makasakay dahil pag nalaman ng driver na negative ka o galing lang probinsya ay mag-alibi yun na sira o may fox o seserbisang kanyang kausap na pasahero pero wala, naghihintay lang mabigyan ng positive nga kung tawagin namin. Kaya kawawa ang pasahero, panibagong antay na naman. Ganyan po ang nangyayari dyan araw araw. Dapat kung sino yun taxi na di pumipila sa unahan ng queueng dapat tiketan kaagad o papaikutin kung wala pa yung iniintay. Ganoon po ang gagawin ng nagpapalakad dyan, mabilis ang dating o dating ng mga yellow cab ‘di na hahabang gaano ang pila. Yun kasing naglilista inaalam nila kung saan ang destination. Pag positive binubukod po nila . Kaya kaming mga driver napunta nalang sa iba kaysa T3 na lantaran ang raket. Thanks, Sir Joey. -09183693…
Kapani-paniwala ang report na ito ng ating texter. Dapat itong baguhin ng pamunuan ng NAIA.
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015