‘Boy Laglag’ tatak ba talaga ni Sen. Chiz Escudero?
Jerry Yap
January 4, 2016
Opinion
HINDI pa siguro nalilimutan ng sambayanan nang sabihin noong 2010 elections ni Sen. Chiz Escudero na: “Ang vice president ko ay may B!”
Kaya nang manalong vice president si dating Makati mayor Jejomar Binay, agad tumatak sa isip ng mamamayan, trinabaho at inilaglag ni Chiz si Mar Roxas — ang vice president noon ni PNoy.
Tumatak na ang pangyayaring iyon sa kasaysayan ng politika sa bansa.
And history always repeat itself ba?
Mukhang maagang mauulit ang kasaysayan. Tila mangyayari ito sa kandidatura ng tandem ni Chiz na si Sen. Grace Poe — ang kanyang presidente.
Dalawang beses na ngayong nakatitikim ng disqualification si Sen. Grace sa Commission on Elections (Comelec).
Una, sa 2nd Division nang katigan ang petisyon na kumukuwestiyon sa panahon ng kanyang paninirahan sa bansa para makuwalipika sa pagtakbong presidente ng bansa.
Ikalawa sa En Banc, nang katigan naman ang petisyon na si Sen. Grace ay hindi maituturing na natural born citizen.
Nakakuha ng temporary restraining order (TRO) sa Supreme court si Sen. Grace para sa dalawang resolusyon ng Comelec kaya mukhang kasama pa rin ang kanyang pangalan sa iiimprentang balota para sa eleksiyon sa Mayo 2016.
‘Yan ay kung hindi agad madedesisyonan ng Supreme Court ang ihahaing apela ng kampo ni Sen. Grace.
Pero sa totoo lang, marami nang supporters ni Sen. Grace ang umiiyak sa nangyayari sa kandidatura ng kanilang idolo.
Mauulit na naman ba ang pag-abandona sa mga Poe?!
Isa sa mga grupong nag-iisip nang ganito ang nagpapakilalang Philippine Crusaders for Justice (PCJ) na tinawag si Chiz na ‘AHASCUDERO’ at ‘BOY LAGLAG.’
Anila, wala nang ibang puwedeng sisihin sa dilemma na kinakaharap ni Sen. Grace kundi si ‘Ahascudero.’
Pilit kasi umanong ibinuyo ni Chiz si Sen. Grace na tumakbong presidente para hindi niya makalaban bilang vice president.
Kapag nagkataon nga naman kasi, tiyak ilalampaso siya ni Sen. Grace sa vice presidential race.
Nang mapagtagumpayan umano ni Chiz na makuha si Grace, nawala ang banta sa kanyang inaasam na puwesto – ang vice presidency, bukod pa sa nahatak paitaas ng popular na anak ni FPJ ang kanyang kandidatura.
Wais naman talaga!?
Kaya naman nag-rally ang PCJ sa Supreme Court at nakikiusap sila na baliktarin ang desis-yon ng Comelec dahil kung hindi, tiyak na pasok na pasok ang plano umano ni Escudero para sa kanyang pansariling interes.
Hindi na nga naman kailangan ng bansa ang isa pang ‘lider’ na sarili lamang ang iniisip.
Wala raw maiiwan, pero siya ang unang nang-iiwan.
Kung tuluyang madidiskuwalipika si Sen. Grace, malaki umano ang tsansa na lumapit si Chiz kay United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar Binay na sinuportahan niya noong 2010 polls.
Sa hina ng kandidatura ni Senator Gringo Honasan, malamang mag-give way siya sa kapwa Bicolanong si Chiz.
Bombastic ka talaga Boy Laglag!
Nalimutan na ba ng sambayanan na ang Noynoy-Mar ay biglang naging NoyBi kay Chiz?!
Ang sagot ng PCJ: “Ahascudero! ‘Wag pagkatiwalaan!”
Kayo mga suki, ano sa inyong palagay?!
I-text lang po sa inyong lingkod kung hindi kayo mapalagay!
MIAA employees naka-bonus o nagkautang?!
MARAMING empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang nalungkot nang malaman nila ang katotohanan sa likod ng natanggap nilang P11,000 nitong nakaraang Pasko.
Akala nang marami, performance bonus ang natanggap nila.
Pero nang papirmahin sila sa isang undertaking, natuklasan nilang sila pala ay lumalabas na pinautang lamang ng P11,000.
Tuwang-tuwa pa naman ang mga empleyado ng MIAA dahil akala nga nila pondo mula sa gobyerno, ‘yun pala pondo mula sa Provident Fund at lumalabas nga na may utang sila.
‘Yan ba ang pasalubong ng MIAA sa kanilang mga empleyado sa pagpasok ng 2016?!
Ay yay kuyawa uy!
Ano ba talaga ang katotohanan sa likod ng P11,000 na ‘yan?!
Hindi naman siguro malaking kasalanan kung ipaliwanag man ‘yan ng MIAA Finance…
Paging MIAA Finance chief, please explain!
Habang buhay na bang gagawing parking area ang southbound ng Quezon Boulevard sa Quiapo Maynila?!
Mr. Jerry Yap, magandang araw po. Gusto lang po namin iparating sa mga kinauukulan (kung may pakiramdam pa sila) ang perhuwisyong nararanasan ng mga motorista dahil sa tila kakapalan ng mukha kung sino man ang pumayag na gawing parking area ang southbound side ng Quezon Boulevard sa Quiapo Maynila.
Talagang makapal po ang mukha at hindi na talaga namin alam kung kanino sila nanghihiram ng kapal ng mukha?!
Hindi yata naiintindihan ng mga swapang sa kuwarta na ang nililikha nilang traffic jam dahil ginawa nilang parking ang Quezon Boulevard ay apektado ang Avenida Rizal, Quezon Boulevard, España Boulevard at ang mga sanga-sangang kalsada rito.
‘Yan po ang number one na dahilan. Pati tuloy ‘yung simbahan ay nasisisi ng mga hindi Katolikong motorista. Kaya raw ma-traffic dahil may simba tuwing Biyernes at Linggo.
Pero sa totoo lang ang tunay na dahilan, halos kalahati na ng southbound ng Quezon Boulevard ay okupado ng mga sasakyang nakaparada.
Kung sino man ang makapal ang mukhang may pakana niyan, sana tuluyan nang mabura ang mukha mo!
Perhuwisyo ka!
Salamat po, Ka Jerry, sa espasyo. Ikaw ang tunay na idol namin! Mabuhay ka!
—Samahan ng mga Motoristang Banas na sa Traffic sa Maynila
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com