QCPD PS 1, nakaiskor uli!
Almar Danguilan
December 10, 2015
Opinion
MULING sinubukan ng masasasamang elemento ang kakayahan ng kampanya ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa kriminalidad.
Pero tulad ng inaasahan, mas matindi pa rin ang direktiba ni Chief Supt. Edgardo G. Tinio, QCPD Director, sa kanyang mga station commander bantayan ang kanilang area of responsibility lalo na ang pagpapatupad ng Oplan Lambat Sibat.
Kaya, nalutas agad ang isang insidente ng hijacking kamakalawa nang malambat ang isa sa apat na hijacker dahil laging nakaalerto ang pulisya ng QCPD.
Lutas agad ang krimen dahil sa mabilis na pagtugon ni Supt. Dario Anasco, QCPD La Loma Police Station 1, sa insidente.
Nitong Lunes (Disyembre 7, 2015) ng hapon, habang minamaneho ni Leonor Narag ang dala niyang Isuzu closed van (WNN 746) na puno ng kahon-kahong pintura, sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue, Brgy. San Jose, La Loma. Sakay ang dalawa niyang pahinante, hinarang sila ng apat na hijackers lulan ng isang Toyota Revo at Toyota Corolla.
Makaraan, tinutukan sila ng baril at pinababa sa van saka kinaladkad para isakay sa Revo.
Nang makakuha ng pagkakataon, si Rodel Taganas, isa sa pahinante, nakatakas siya sa mga suspek at agad na ipinaalam ang insidente sa La Loma PS 1. Hindi na sinayang ni Dario ang bawat segundo kaya, agad niyang pinakilos ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng follow-up operation at inalarma din ang kanyang mga tauhan na nagsasagawa ng choke point bilang pagpapatupad ng Lambat Sibat, sa AOR ng kanyang estasyon.
Makalipas ang ilang oras, naispatan ng mga operatiba ang Toyota Corolla sa kanto ng D. Tuazon St., at G. Roxas St., Brgy. San Jose, QC, sakay ang suspek na si William Fernandez.
Pinatatabi ng mga operatiba ang sasakyan pero tinangkang paharurutin ito ni Fernandez pero naharang pa rin ng mga operatibang sakay ng isa pang police car kaya, naareto si Fernandez.
Hindi rin kalayuan sa lugar, namataan din ang inabandonang Revo na gamit din sa krimen. Narekober sa loob ng Revo ang 12 karton ng pintura; dalawang airsoft rifles; isang granada; military uniform; bonnet; swat cap at reflectorized vest.
Naniniwala si Dario na tumakas at inabandona ng tatlo pang suspek ang Revo nang makitang inaaresto si Fernandez.
Sa kabila ng pagkakaaresto kay Fernandez, hindi pa rin tumigil ang tropa ng Station 1, tuloy pa rin sila sa pagpapatrolya hanggang maispatan nila ang closed van sa kanto ng Sta. Catalina at Speaker Perez streets.
Ngayon, si Fernandez ay patuloy sa paghihimas ng rehas sa detention cell ng La Loma PS 1. Sa panig naman ni Fernandez, kanyang pinabulaanan ang akusasyon sa kanya. Wala raw siyang kinalaman sa insidente.
Tulad ng nabanggit, kailanman ay huwag na huwag hamunin ang kakayahan ng QCPD laban sa kriminalidad. Lagi yatang nakaalerto ang pulisya ng QCPD. Kaya nga laging nakokoronahan na the best police district among all the best sa National Capital Region.
Supt. Dario sampu ng inyong mga tauhan, galing ninyo! Lutas agad ang krimen.
Congratulations.