NGAYON maliwanag na kung bakit sinasabing putol ang mga commercial ng AlDub kung ilabas sa ABS-CBN. Hindi lang naman pala ngayon iyan kundi noon pang 2008. Mayroon na silang policy na hindi nila pinapayagan kahit na ang mga commercial kung inaakala nilang makatutulong iyon sa promo ng kanilang mga kalabang show o kaya ay taliwas sa interest ng kanilang network.
Wala namang duda na iyang AlDub ay kalaban nila. Masyadong identified ang AlDub sa Eat Bulaga at maliwanag naman na noong magsimula iyan, bumalibag nang husto ang programa nilang It’s Showtime, hanggang sa umabot pa nga roon ay inamin ni Vice Ganda na hindi nila talaga kayang talunin ang show at kuntento na sila kung ano man ang audience na nanonood lamang sa kanila.
Kung doon nga naman sa audience na natitirang nanonood ng Showtime, ang makikita pa ay mga commercial na ang star ay iyong AlDub, ano pa nga ba ang mangyayari?
Sinabi naman nila iyon sa mga advertiser nila noon pa. Ibig sabihin may choice ang mga advertiser na putulin ang kanilang commercials kagaya nga ng nangyayari ngayon, o kung hindi naman ‘di huwag nilang ipasok ang commercials nila. Kaso mataas naman ang prime time ng ABS-CBN at kung sa ibang oras ay hindi sila papasok, tiyak hindi rin sila makakukuha ng slot sa primetime.
Kanya-kanyang opinion iyan eh. Kanya-kanyang paniniwala. Usually ang mga network naman ay may policy na kanilang ipinatutupad talaga. Kung iyan ang policy ng ABS-CBN noon pa man, nasa mga advertiser na iyon. Walang may pakialam na iba roon.
HATAWAN – Ed de Leon