Bukod sa galing ng bida ritong si John bilang si Heneral Luna, isa pa sa hinahangaan kong aktor na mapapanood dito ay si Mon Confiado na gaganap bilang Presidente Emilio Aguinaldo.
Nang makahuntahan ko siya recently, inusisa ko ang preparation niya sa pelikulang ito na ipalalabas na ngayong Wednesday, September 9.
“Malaki rin ang preparation na ginawa ko for Heneral Luna as President Aguinaldo. Sa audition pa lang pinaghandaan ko na siya. Noong dumating ako sa audition, in character na ako. Naka-all white suit ako para makita na ng director at producer na ako si President Aguinaldo.
“At noong makuha ko nga ang role at pinadala ang script. Four months before the shoot, memorized ko na ang lines ko. Nanood ako ng maraming films about the history of the Philippines. Including EL Presidente ni direk Mark Meily. Naging inspirasyon ko din ang Downfall ni Bruno Ganz (film tungkol sa huling araw ni Adolf Hitler bago siya bumagsak at nagpakamatay) at ang Lincoln ni Danie Day-Lewis,” panimulang kuwento ni Mon.
Dagdag pa niya, “Nagpunta din ako sa bahay ni Aguinaldo sa Kawit at nag-research about him sa mga libro. Physically, nagpapayat ako para lumabas ang cheekbone ko at hinanap ko ang pinakamatanda at pinakamagaling gumupit ng Aguinaldo cut. Kapapanaw lang niya three weeks ako sa edad na 78. Nag-usap din kami ni direk Jerrold at Sir Ed Rocha about my character.”
Ano’ng masasabi niya kay Direk Jerrold at sa bida ritong si John? “Hinahangaan ko si Direk Jerrold, napakasimple niya, tahimik pero napakahusay. Nag-uumapaw sa kalooban niya ang kanyang talento. Napaka-cool sa set, ni hindi ko siya nakitang nagalit. Hinayaan niya kaming maglaro sa aming mga characters. ang bilin lang niya sa akin, basta dapat walang kontrabida sa film na ito at dapat lahat, tao, walang bayani o nagpapakabayani. Gusto rin niya na may proseso ang transformation ng character ni Pres. Emilio Aguinaldo rito.
“Isa si John Arcilla sa hinahangaan kong aktor ng Pilipinas. Napakahusay niya, napakasarap kaeksena. Intense palagi. Propesyonal at napakabait! Saludo at napakalaki ng respeto ko sa mga aktor na gaya niya. Siyang-siya si Heneral Antonio Luna at wala ng iba!”
Sinabi rin ni Mon kung bakit dapat panoorin ng mga Filipino ang Heneral Luna. “Kailangang mapanood ng mga Pilipino ang Heneral Luna dahil napapanahon ang pelikulang ito. At sana, kapulutan ng aral at mabuksan ang isipan nila, lalo’t panahon na naman ng eleksiyon.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio