Kolektong sa AOR ni General Ranola garapalan na!
hataw tabloid
May 13, 2015
Opinion
BUKOD tanging sa Southern Metro Manila lamang umano umiiral ang garapalang pagtotoka ng ‘payola’ ng pulisya sa mga nagkalat na illegal activities.
Lumalabas tuloy na ‘patong’ ang mga pulis na nakatalaga sa nasabing lugar sa lahat ng ilegalista.
Ang Southern Metro ay nasasakupan ng Southern Police District (SPD) na ang director ay si Chief Superintendent Henry Ranola.
Isa umanong TARAHA-NO na ayon sa ating mga sources ay isang high ranking official ng PNP ang pasimuno sa pagpapatarya sa mga ilegal na sugalan, putahan, night clubs at maging sa droga.
Malawak ang nasasakupan ng SPD. Nariririyan ang Makati, Pasay, Parañaque, Muntinlupa at Las Piñas. Sa land area pa lamang, halos kahalintulad na nito ang buong Quezon City.
Malawak din ang iniikutan ng mga asong kolektor ni TARAHA-NO na kinilalang sina alias SEMILIA, REY BOKBOK NARIO, FELIX ‘SALVAGE’KRUTO at JERRY ‘BANGKAY’ SALUSTIANO.
Kung si TARAHA-NO ay singkapal ng suwelas ng sapatos ang pagmumukha at kahihiyaan, triple umano ang kawalanghiyaan ng kanyang mga sugong aso.
Para umanong mga kasosyo sa night clubs at sauna bath parlors cum putahan kung umasta.
Bitbit at ipinagyayabang ang pangalan ni General Ranola at ng kanilang among si TARAHA-NO.
Base sa ating mga impormante, may impormasyon na rin ang NCRPO sa pangongotong na ito ng grupo ni TARAHA-NO na sinasabing malapit na opisyal ni General Ranola.
Ayon pa sa ating mga sources, isa sa mga araw na darating, posible na umanong komprontahin ni NCRPO Director Carmelo Valmoria si Ranola tungkol sa garapalang pangongolekta ng payola ng mga tauhan ni alias TARAHA-ANO.
Posible rin umanong nakarating na sa kaalaman ni Secretary Mar Roxas ang ginagawang paggamit ng grupo ni TARAHA-NO sa pangalan ng Kalihim sa pagpapatarya ng intelihensiya sa mga ilegalista na nasasakupan ng SPD.
Hindi bababa sa kalahating milyong piso (Php 500,000) linggo-linggo ang kabuuang koleksiyon ng grupo ni TARAHA-NO mula sa mga sugalan, putahan at droga.
Malaki umanong bahagi ng koleksyon ay ipinagkakaloob naman umano ni TARAHA-NO sa mga bosing sa SPD.
Si General Ranola nga ba ang isa sa sinasabing bossing ni TARAHA-NO?
Director Valmoria sir, marapat lamang na malaman ng sambayanan kung totoo nga ba ang garapalang panghihingi ng payola ng mga pulis diyan sa SPD.
Batid ng inyong lingkod na kailan man, hindi makapapayag si Director Valmoria na babuyin ng kahit sinong demonyo ang sagradong propesyon ng pagpupulis.
Lalo pa nga’t matataas na opisyal ng pulisya ang direktang tinutukoy at isinasabit sa tong collection scheme.
Subaybayan natin ang mainit na isyung ito diyan sa SPD.
Makinig sa DWAD 1098 khz am “TARGET ON AIR USTREAM TV” Monday to Friday 2:00 – 3:00 PM. mag email sa [email protected]