May kapayapaan nga ba sa Mindanao?
hataw tabloid
March 9, 2015
Opinion
HINDI ko alam sino ang mga negosyador na bumuo ng Bangsamoro Basic Law at kung pinag-isipan nila ang laman nito kasi nang binasa kong mabuti ang BBL ay hindi ko mapigilang maisip na ibinenta niyon ang Filipinas sa Moro Islamic Liberation Front. May palagay akong may ilusyon ang mga negosyador ng ating espesyal na Pangulong BS Aquino na magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao kung aamuin ang MILF.
Hindi sila nadala sa aral na hatid ng pakikipag-usap ng pamahalaan noon sa Moro National Liberation Front. Nanganak ang MNLF ng MILF at ang MI naman ay nanganak ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nanganak naman ng Justice for Islam Movement (JIM). Ngayon kailan naman natin kakausapin ang BIFF at JIM?
Wala pa sa listahan ng mga anak-anak ang Abu Sayyaf Group at may narinig pa akong Khalifa Islamiya Mindanao (KIM) na ISIS inspired. Huwag din natin kalilimutan na nariyan pa ang sandamak-mak na private armies at New People’s Army.
Ngayon bakit ko nasabing ibinenta ng mga negosyador ang Filipinas sa MI kasi bukod sa pinalaki ang teritoryong sasakupin ng grupong ito ay bibigyan pa sila ng P75 bilyon para itayo ang kanilang sub-state o estado na iba, ngunit nasa loob ng estado ng Republika ng Pilipinas. Sa madaling salita popondohan natin ang pagbiyak sa ating republika. Iginisa tayo sa ating sariling mantika ng mga negosyador ng ating espesyal na Pangulong BS Aquino.
Sa kasalukuyang siste, may awtonomiya ang Basilan, Lanao, Sulu, Maguindanao at Tawi-tawi. Pumapaloob ang mga probinsyang ito sa Autonomous Region for Muslim Mindanao.
Pero sa kaayusang inayunan ng mga mga negosyador ng ating espesyal na Pangulong BS Aquino ay madaragdagan ang teritoryo na kokontrolin ng MI. Bukod sa teritoryo ng ARMM ay mapapasama na sa MI controlled areas ang lungsod ng Cotabato at Isabela, mga munisipyo ng Kabacan, Carmen, Aleosan, Pigkawayan, Pikit Midsayap, Baloi, Munai, Nunungan, Pantar, Tagoloan, at Tangkal.
Binigyan rin sila ng sariling dagat. Bukod pa riyan ay maaaring isama ng MI ang mga lugar na katabi ng kanilang nakuha mula sa republika kung “may petisyon raw ang 10 porsyento ng mga naninirahan roon.”
Bukod sa lupain ay magkakaroon ng sariling pamahalaan ang MI at parliamentaryo na malayong- malayo sa ating republikanong setup. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit sinasabing unconstitutional ang BBL. Bibigyan pa ng sariling COA, COMELEC, Hudikatura at pulisya ang MI na hindi maaaring pakialaman ng ating lehitimong pamahalaan. S
ila na rin ang magpapatakbo ng kanilang ekonomiya pero tayo ang magpopondo sa kanila. Haaaayyyy naku…
Maraming kapalpakan sa ARMM pero maaaring remedyohan ito. Bakit hindi na lamang ayusin ang ARMM at hikayatin ang MI at ibang grupo na makisangkot dito imbes bumuo ng ibang bansa mula sa Mindanao. Iyan tiyak kong mawawala na ang gulo sa lupang ipinangako.