SA WAKAS marami ang natuwa sa PAGASA, dahil sa lahat ng ahensiyang nag-ulat tungkol sa bagyong si Ruby, may international name na hagupit, ang sa atin ang pinaka-accurate.
Saktong-sakto ang ulat ng PAGASA.
Pero marami pa rin kababayan natin ang nalito, dahil naman sa magkaibang datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Philippine Red Cross (PRC).
Sa pinakahuling bilang, 27 ang patay sa PRC pero walo lang sa NDRRMC.
E ano ba talaga ang totoo!?
Pati ba naman sa bilang ng mga casualty mayroon pang dagdag-bawas?!
Tingin natin ‘e dapat itong resolbahin ng dalawang panig dahil kung hindi, lagi silang magkakaroon ng problema sa pagta-tally.
Nagkaroon na nga ng kalituhan noong nakaraang operations nila sa daluyong na Yolanda, hindi ba?
Hindi lang magkaiba ang bilang, kundi talagang malaki ang diperensiya.
Sabi ng NDRRMC, metikuluso sila sa pagdodokumento, kailangan daw, calamity related talaga ang cause of death.
Ang sabi naman ng PRC, ang nakakalap nilang bilang ay ulat ng mga staff and volunteers nilang nasa operations mismo.
Anyway, ang mungkahi natin rito, since ang NDRRMC ang ahensiya ng ating pamahalaan, mayroon silang tungkulin na makipag-ugnayan sa PRC para ma-validate nila ang ulat.
O kaya naman, dapat mayroong NDRRMC official na naka-assign sa PRC. Pero hindi para maging ‘boss’ kundi makipagtulungan sa PRC.
E baka nga naman limitado lang ang area na nagagalugad ng mga taga-NDRRMC kaysa PRC?
Alam n’yo naman ang PRC, unlimited ang operasyon nila lalo sa panahon ng kalamidad.
Basta sa ganang atin, ang concern natin dapat magkaroon ng maayos na koordinasyon ang NDRRMC at PRC.
At ang initiative ay dapat na magmula sa NDRRMC.
‘Yun lang po.