ANIM na “most wanted” lider ng kidnap-for-ransom group sa bansa ang nasakote na ng Philippine National Police (PNP) dahil sa epektbong implementasyon ng Oplan Lambat-Sibat na binuo sa pamumuno ni Secretary Mar Roxas ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay Sec. Roxas, nasilo ang mga pusakal na kidnaper matapos magbuo ang pulisya ng “special tracker teams” na tutugis sa mga kriminal na kabilang sa”Most Wanted List.”
“Sa loob pa lamang ng dalawang buwan na operasyon ng Oplan Lambat-Sibat, nakakita na tayo ng resulta at unti-unti nang nauubos ang mga kriminal na pinaghahanap ng batas,” ani Sec. Roxas.
“Umpisa pa lamang ito at hindi tayo titigil hangga’t hindi natin nasisiguro na ligtas sa krimen ang ating mga komunidad,” dagdag niya.
Nasakote sa sunod-sunod na operasyon sina Rudy Beniga alias Gogong, Alexander Buenaobra alias Falilom/Pogi, Martin Lico Jr. alias Bogart/Romeo Buluran/Aldreen Daat/Paul, Riccente Padillo alias Teng, Tyrone dela Cruz, at Rodante Cabaylo alias Sgt. Caballo.
Kasalukuyan pa rin pinaghahanap ang natitirang apat sa Most Wanted List na sina Rodolfo Arroyo alias Rudy, Ronald Lasala alias Utolas, Rene Manatad, at Nicolas Nepomuceno alias Oca.
Pawang nahahaharap sa salang Kidnap for Ransom with Homicide sina Beniga (Antipolo City Regional Trial Court), Buenaobra (Manila Regional Trial Court),at Lico (Antipolo City Regional Trial Court).
Nasasakdal naman sa salang Kidnap for Ransom sina Padillo (Quezon City RegionalTrial Court), Dela Cruz (Calamba City Regional Trial Court) at Cabaylo (QuezonCity Regional Trial Court).
Sa utos ni Sec. Roxas, binuo ng liderato ng PNP ang Oplan Lambat-Sibat matapos namakita ang ilang problema sa pamamaraan ng pulisya sa pagsugpo ng kriminalidad sa bansa.
“Dati, bara-bara ang kalakaran ng pulis sa paglaban sa krimen. Kanya-kanya sila ng operasyon at walang pagtutulungan ang mga operating units. Napansin din natin na ningas-cogon ang kanilang operasyon,” anang DILG Secretary.
“‘Yung bara-bara, ginawa nating deliberate. ‘Yung kanya-kanya, ginawa nating programmatic. ‘Yung ningas-cogon, ginawa nating sustained,” dagdag niya.
Bahagi ng Oplan Lambat ang pag-deploy ng 1,300 pulis sa mga lugar na madalas pangyarihan ng krimen at pagdaragdag ng 600 pulis sa kabuuan ng Metro Manila.
Dinagdagan din ang mga nakaposteng pulis sa matao at komersyal na lugar tulad ng SM Riverbank Mall (Marikina); Robinson’s Metro East (Pasig); SM Megamall, Star Mall (Mandaluyong); Greenhills Shopping Mall (San Juan); Tutuban Center Mall (Moriones, Manila); Robinson Mall (Ermita, Manila); MOA (Pasay); Makati Business Center; Alabang Town Center (Muntinlupa); Market Market, SM Aura (Taguig); SM North Trinoma (Masambong, Quezon City); Araneta Malls (Cubao,Quezon City); Eton Centris Mall (Kamuning, Quezon City); at Eastwood, Robinson’s Galleria (Eastwood, Pasig).
Sa Oplan Sibat naman, sama-samang nagbuo ang PNP ng listahan ng Most Wanted at nagtalaga ng “special tracker teams” para mahuli ang bawat isa na kabilang sanasabing listahan.
“Dati, ang pulis na may assignment para manghuli ng most wanted ay may iba pang trabaho. Ngayon, ang policy natin ay one target, one team. Sa Oplan Sibat, walang ibang gagawin ‘yung team kung hindi habulin ‘yun target nila,” paliwanag ni Sec. Roxas.