LA UNION – Umaabot sa 19,292 sako o katumbas ng 1,158 metric tons ng nabu-bulok na bigas ang ibabaon ng mga kawani ng National Food Authority (NFA) sa bakanteng lote ng Brgy. Paraoir, sa bayan ng Balaoan, sa lalawigan ng La Union.
Ang mga nasirang bigas ay galing sa bodega ng NFA sa bayan ng Bangar sa lalawigan.
Kapansin-pansin na ina-amag at nangangamoy na ang itinapong tone-toneladang bigas na halos hindi magkasya sa ginawang malaking hukay.
Samantala, nilinaw ni NFA La Union provincial manager Nicanor Rosario, hindi pag-aari ng pamahalaan ang nasirang produkto.
Ayon kay Rosario, ini-angkat ang naturang mga bigas mula sa bansang Vietnam upang magsilbi sanang karagdagang suplay sa bansa.
Ipinaliwanag ng opisyal na nasira ang sako-sakong bigas nang mabasa nang sumadsad at mabutas ang barkong MV Vinh Hoa sa bahagi ng Lingayen Gulf na nagbiyahe sa mga ito noong Disyembre 2013.
Mariing iginiit ng opisyal na hindi binayaran ng NFA ang nasirang bigas at ‘yon lamang ang magandang ka-lidad na produkto ang nabayaran sa pamahalaan ng Vietnam.
Beth Julian