BIGONG maitala ang zero-crime rate nitong Linggo na karaniwang nagaganap kapag may laban si People’s Champ Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), may apat na krimeng naitala habang ginaganap ang laban nina Pacquiao at Italian-Argentinian boxer Chris Algieri.
Sinabi ni Sr. Supt. Wilben Mayor, spokesperson ng PNP, bandang 2:45 p.m. nitong Linggo sa Marikina nang barilin ng hindi nakilalang suspek ang isang lalaki habang natanga-yan ng motorsiklo ang isang biktima sa Brgy. Amoranto, Quezon City.
Sa Region VI ay sinaksak ng suspek na si Carmelo Agapito si alyas “RM” sa Iloilo Terminal Market na idineklarang dead-on-arrival sa ospital.
May insidente rin ng pamamaril na ikinamatay ng miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ng Bravo Company ng 14th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Matatandaan, madalas zero-crime rate sa bansa kapag may laban si Pacquiao dahil tutok ang mga Filipino sa laban ng boksingero.