INAMIN ni Pangulong Benigno Aquino III na kasama pa rin si Vice President Jejomar Binay sa mga pinagpipiliang presidential bet na posible niyang iendoso sa 2016 elections.
Sa panayam sa Pa-ngulo ng Philippine media delegation sa Singapore kamakalawa, kinompirma niya na kinakausap niya ang mga grupong tumulong na maluklok siya sa Palasyo noong 2010 at umaayuda sa kanyang administrasyong hanggang nga-yon, pati na ang pangkat ni Binay.
Matatandaan, nagwagi sa 2010 presidential elections si Pangulong Aquino dahil sa grupong Balay na nag-endoso ng “Noy-Mar” tandem nila ni Mar Roxas, at Samar Group na nag-endoso ng tambalang “Noy-Bi” nila ni Binay.
“Alam n’yo, matagal-tagal ko nang pinag-iisipan ‘yan, at pinipilit kong magkaroon ng consensus, ‘yung pagkakasunduan sa lahat ng mga grupong sumuporta sa atin at sumusuporta sa atin—sumuporta noon at sumusuporta ngayon. Gusto mong maiwan nang buo pagdating ng 2016 para manigurado na ‘yung mga pinaggagagawa natin ngayon ay maipagpatuloy, ‘di ba?,” anang Pangulo.