ILANG beses na po tayong nakatanggap ng reklamo laban sa iProtect Security Agency mula sa kanilang guwardiya dahil sa sandamakmak na unfair labor practices (ULP).
Napakahirap po ng trabaho ng isang security guard. Sabi nga, kapag naka-duty sila para na rin nakaumang ang isang paa nila sa hukay.
Siguro bawat pamamaalam nila sa kanilang pamilya ay katumbas din ng kawalang katiyakan kung makauuwi pa sila nang buhay.
Ganyan po kadelikado ang trabaho ng isang guwardiya.
Kaya naman masama talaga ang loob ng mga sekyu ng iProtect Security Agency, bukod sa below minimum wage ang natatanggap nila, wala silang benepisyo.
Ang pagkain at kape ay sagot rin nila. Kumbaga sa sarili lang nila ay kulang pa ‘yung sweldo nila. E paano na ‘yung pamilya nila.
Ang matindi, dalawang beses magkaltas para umano sa cash bond at sa baril — pero karamihan naman sa kanila ‘e walang baril … at marami rin ang walang lisensiya bilang guwardiya pero parang balewala lang ito sa may-ari.
May 75 pesos na kaltas pa kada suweldo na para raw sa kanilang pondo.
Kumbaga, hindi lang batas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang nilalabag ng iProtect Security Agency. Kundi maging ang patakaran ng Camp Crame. Kapag araw naman ng suweldo, parang ayaw pakawalan ‘yung pera kasi gabi na kung magpasuweldo.
Kapag tinanggap naman ang sweldo sandamakmak ang stapler, parang gusto pa magkapunit-punit ‘yung peso bills bago mapasakamay nila nang tuluyan.
‘Wag na rin kayong magulat kung hindi nagbabayad ng overtime ang nasabing security agency.
Talagang ganyan daw katigas ang sikmura ng may-ari na kinilala lang sa tawag na police ret. Kernel Del Rosario.
At dahil ex-pulis ang amo, para namang mayores ‘yung dalawang bisor na sina Guanzon at Joey na ang trabaho daw ay manindak ng matatandang sekyu.
Ay sus!
Parang galing ‘ata sa penology at penitentiary itong si Del Rosario at mga bisor na sina Gaunzon at Joey?
Tsk tsk tsk …
Hoy Mr. Del Rosario, ayusin mo naman ang mga obligasyon mo sa mga tao mo!
Paging Labor Secretary Rosalinda Baldoz!