KAHIT pa sabihing expansion team at okay lang na magmatrikula sa unang conference bilang miyembro ng Philippine Basketball Association ay nakakapanghina rin ang nangyayaring mga pagkatalo ng Blackwater Elite.
Aba’y lampas na sa kalahati ng scheduled 11 games ang kanilang nalalaro pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sila makakapasok sa win column. Anim na sunud-sunod na kabiguan na ang nalasap ng Elite.
Limang games na lamang ang nalalabi sa kanilang schedule sa single round elims.
Realistically, masasabing maagang matsutsugi ang Elite. Kasi parang napakahirap ng paghanap sa unang panalo.
E, hindi lang naman isang panalo ang kailangan nila para makausad sa susunod na round!
Ang masaklap para sa Blackwater Elite ay ang pangyayaring nakapagbibigay naman sila ng magandang laban.
Hindi naman talaga sila tinatambkan ng kanilang mga nakatunggali.
Katunayan, noong Biyernes, kalaban nila ang nangungunang Alaska Milk at nagawa nilang takutin ang Aces. Kasi napababa nila sa limang puntos ang abante ng Alaska Milk.
Pero sa dulo ay umalagwa rin ang Aces at naiwan ang Elite.
Naiiling na lang si coach Leo Isaac na naghalintulad sa kanyang koponan sa isang kabayong pangarera. (Alam naman nating host si coach Leo kapag sa San Lazaro ang mga karera).
“Kumikiskis lang, e. Maganda ang labas sa aparato. Kikiskis pero maiiwan din. Kailangang maremedyuhan,” ani Isaac.
Well, maraming ganyang kabayo. Pero hindi sila nananatiling talunan. Kinalaunan ay nakakahanap din sila ng paraan na manalo.
Alam ni Isaac na mangyayari din iyan sa Blackwater. Huwag lang silang mainip!
ni Sabrina Pascua