PUSPUSAN ang pag-aapula ng apoy ng mga bombero sa nasusunog na imbakan ng mga pintura at iba pang mga kemikal sa Pearl Island Phase II, Brgy. Punturin, Valenzuela City. (RIC ROLDAN)
AABOT sa mahigit P10 milyong halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy nang masunong ang isang warehouse kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City.
Naabo ang malaking bahagi ng Marswin Marketing Inc., sa Pearl Island Phase II, Brgy. Punturin ng nasabing lungsod.
Kaugnay nito, agad sinuspendi ang klase sa katabi nitong Punturin Elementary School upang hindi madamay ang mga estudyante.
Batay sa ulat ni Supt. Mel Ilagan, hepe ng Valenzuela City Fire Department, umabot sa Task Force Alpha ang sunog na nagsimula dakong 3:00 a.m. ngunit naitawag sa kanila bandang 6 a.m. at naapula dakong 9 a.m.
Natagalan sa pag-apula ng apoy ang mga bombero dahil maraming nakaimbak na pintura, thinner at mga kemikal sa loob ng warehouse.
Gayonman, walang naiulat na namatay o nasaktan sa insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid kung ano ang naging sanhi ng sunog.
(ROMMEL SALES)