TAON-TAON tuwing Nobyembre ay idinaraos ang isang paligsahan ng mga parloristang mula sa mga bansang kasapi sa Asia Pacific Hairdressers and Cosmetologists Association (APHCA).
Ang ating beauty architect na si Ricky Reyes ang nagtayo ng asosasyong na ang mga miyembro ay mula sa 17 bansa sa Asia Pacific. Sa loob ng dalawang dekada’y si Mader Ricky Reyes ang pangulo ng samahan dahil malaki ang paggalang at tiwala sa kanya ng ibang opisyal at miyembro.
Sa Bangkok, Thailand ginanap ang APHCA Hair Olympics noong Nobyembre 6 at 7 at pinatunayan ng ating mga kababayang kalahok na kayang-kaya nilang mag-uwi ng iba’t ibang karangalan. Itinanghal na over all champion sa men’s cut at freestyle si Jayson Hinola na mula sa Cavite City. Naiuwi naman ni Federico Stephanie Ilagan ang second place sa bridal make up division. Maraming honorable mention award pa ang tinanggap ng ibang miyembro ng delegasyon ng mga Pinoy.
“Masarap sumali sa APHCA dahil may matututuhan kang ibang technique sa pagpapaganda ng mga taga-ibang bansa na sikat sa buong mundo tulad ng Korea at Japan,” ani Hinola.
“Iba ang feeling ‘pag nasa stage ako at rumarampa. Ang sarap kapag nananalo ako sa bridal make up division na talagang forte ko,” sabi naman ni Ilagan.
Abangan sa Gandang Ricky Reyes Todo Na Toh (GRR TNT) ang mga happening sa nabanggit na APHCA competition ngayong Sabado, 9:00-10:00 a.m. sa GMA News TV na prodyus ng SciptoVision.