ININSPEKSIYON ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga supermarket at grocery store kaugnay nang ipinatutupad na suggested retail price (SRP) sa mga produktong pang-Noche Buena.
Sa 21 establisimentong sumalang sa random inspection ng Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) ng DTI Consumer Protection Group (CPG), 14 ang natuklasang nagbebenta ng mga produkto sa halagang mas mataas sa SRP.
Nag-isyu na ng show cause order ang FTEB para sa apat na supermarkets sa Quezon City na nagpapataw nang labis na patong sa SRP ng Noche Buena items. Kabilang sa binigyan ng limang araw para magpaliwanag ang Daily Supermarket, Mighty Mart, Purity Supermarket at Supermart 2000.
Habang sampung supermarkets at grocery stores sa Pasig, San Juan, Caloocan, Valenzuela at Quezon City na may hanggang P0.50 patong sa SRP ang pinadalhan ng warning letters. Dapat sumunod agad sila sa SRP kundi ay iisyuhan na ng show cause order oras na muling mahuli.