TINIYAK ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nakahanda na ang isla kung saan ika-quarantine ang 142 Filipino peacekeepers na galing Liberia.
Lumabas sa mga report na sa Caballo island dadalhin ang Filipino peacekeepers ngunit hindi ito kinompirma ng AFP.
Sinabi ng isang mapagkakatiwalaang source, ang Malacañang ang mag-aanunsiyo kung saan ika-quarantine ang mga sundalo.
Ayon kay Col. Roberto Ancan, hepe ng Philippine peacekeeping operations center, sila ang na-ngunguna sa paghanda sa lugar at isasailalim sa 21 araw quarantine ang mga peacekeeper.
Inihayag ni Ancan, nagsagawa na sila ng ins-pection sa lugar at nakahanda na rin sa pagda-ting ng 142 Filipino peacekeepers.
Siniguro ni Ancan na hindi ‘infected’ ng nakamamatay na Ebola virus ang mga sundalo.
$1-M donasyon ng PH vs ebola
MAGBIBIGAY ang Filipinas ng isang milyong dolyar sa United Nations (UN) sa gitna ng pagsisikap ng buong mundo na mapigilan ang paglaganap ng Ebola virus disease.
Sa ginanap na press conference hinggil sa paghahanda ng pamahalaan sa Ebola sa Villamor Air Base kahapon, sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III, isang public health of international concern ang Ebola virus disease.
Obligasyon aniya ng estado na hindi lang gumawa ng kailangang kaparaanan upang matiyak na hindi papasok sa bansa ang Ebola kundi may tungkulin din tayo bilang bansa na lumahok sa pagsisikap ng buong mundo para masawata ang pagkalat nito.
Una nang naglaan ang Department of Health (DOH) ng P26 milyon para sa paglaban sa Ebola.
Binigyang-diin ng Pangulo, nais niyang matiyak na walang makalulusot na kaso ng Ebola sa bansa kaya itinakda ng DOH ang Caraballo Island bilang quarantine facility para sa 11 Filipino peacekeepers na pabalik ng Filipinas mula sa Liberia.
Ang Liberia ay isa sa mga bansa sa West Africa na may mataas na bilang ng kaso ng Ebola virus disease.
Magdadala ng tatlo hanggang apat na doctor ang DOH sa Caraballo Island para i-monitor ang Filipino peacekeepers sa loob ng 21-araw quarantine period.
Rose Novenario