BINIGYAN ni Mexican legend Juan Manuel ‘Dinamita’ Marquez ng ilang mga ideya ang American boxer na si Chris Algieri kung paano tatalunin si People’s Champ Manny ‘Pacman’ Pacquiao.
Kilala si Marquez sa pagkaka-knockout niya kay Pacquiao sa huli nilang laban noong Disyembre 2012. Siya ang bukod-tanging boksingerong nagbigay ng leksyon sa ating kampeon.
Ngayon naman ay gagayahin ni Algieri si Marquez para magawa ang pambihirang record ng Mehikano na patulugin ang People’s Champ sa pagsasagupa nila para sa WBO welterweight championship sa susunod na buwan.
Wika nga ni Algieri sa panayam kamakailan: “Marquez made Manny think. Pacquiao is the king of starts and stops, in and out, start and stop.
“Marquez was able to use broken rhythm to keep (Pacquiao’s) rhythm off. He slowed down certain aspects, he picked up certain parts of it. He was able to disrupt the rhythm of the fight,” dagdag ng Amerikanong boksingero.
Ayon kay Algieri, epektibong estratehiya ang ginamit ni Dinamita, partikular sa tulad ni Pacquiao, na sanay sa ano mang uri ng laban at may malakas ding kaliwang suntok.
May konsiderableng height at reach advantage ang Amerikano sa 12-round na sagupaan nila ni Pacman sa Nobyembre 23, pero batay sa estadistika, lamang si Pacquiao na odds-on favorite para magwagi sa laban.
Lalaban ang People’s Champ sa ikalawang pagkakataon sa Macau habang si Algieri una pa lang na makikipagsagupa sa dating teritoryo ng Portugal at Special Administrative Region (SAR) ngayon ng People’s Republic of China.
ni Tracy Cabrera