ISA ang pelikulang Bigkis sa official entry sa QCinema International Film Festival. Produced ito ng BG Productions International nina Ms. Pablita Go, Mario Pacursa, at Romeo Lindain. Ito’y isang advocacy film na nagpapakita kung gaano kahirap manganak sa isang pampublikong hospital.
Ang Bigkis ay sa direksiyon ni Neal Tan at tinatampukan nina LJ Reyes, Mike Tan, Rosanna Roces, Enzo Pineda, Rich Asuncion, Pancho Magno, Perla Bautista, Rico Barrera, at Lauren Young.
Gumanap si LJ dito bilang isang batang ina at ayon sa aktres, marami siyang natutunan sa kanilang pelikula. Ayon pa sa kanya, isa itong eye opener sa mga kababaihan, lalo na ang mga nabuntis sa maagang edad.
“Marami pong aral na mapupulot dito. Ang advocacy po nito ay breastfeeding talaga, pero marami po akong natutunan behind sa advocacy namin dahil sa location namin sa Fabella Hospital. Ang dami talagang struggle sa mga public hospital dito sa Pilipinas,” saad ni LJ.
Sa panig naman ni Mike, masaya siyang maging bahagi ng isang advocacy film na tulad ng Bigkis. “Kasi ang masaya rito, ang mga tulad naming artista, hindi ka lang gawa ng gawa ng pelikula para lang kumita ng pera. At least ito, makakatulong sa mga tao. Kumbaga ay may katuturan, may-aral, iyon ang maganda sa isang pelikula.”
Ang Bigkis ay magkakaroon ng Gala Premiere sa November 6, 2014, 8 pm sa Trinoma Cinema 3 at isa pang screening sa November 7 sa ganap na 12:30 ng hapon, sa parehong sinehan.
ni Nonie V. Nicasio