IPINAKIKILALA ANG PULONG DIYABLO ANG DUYAN NG BUHAY NINA ROX AT DADAY
Mayroon siyang malaking tattoo sa kaliwang dibdib, isang kulay pulang bulaklak ng rosas na may mukha ng magandang babae sa gitnang-gitna. Ito ang dahilan kung kaya “Rox Tattoo” ang ibinansag sa kanya sa komunidad na tinatawag na “Pulong Diyablo.” Pero naki-lala at kinilala siya sa kanilang lugar hindi lamang dahil sa kanyang tattoo. Sa sirkulo ng mga siga-siga at gago ay markadong-markado ang pagkatao niya:
“Buo ang loob at walang takot ang Rox na ‘yan…”
“Wala ‘yang sinasanto, lahat kinakasa-han…”
“Siya kasi ay no more tomorrow kaya pati kamatayan, e ‘di kinatatakutan…”
Doon sa Pulong Diyablo , kahit ang mga basa pang sinampay ay dinedekwat na agad ng may makating kamay. Doon, hinihintay munang maluto ang sinaing ng kapitbahay at saka tinatangay ng kawatan. Doon, ang pwedeng lokohin ng manloloko ay palagi nang iniisahan. Doon, ang mahihina at duwag ay kinakaya-kayanan at tinatapak-tapakan. At doon ay para bang puro na lang masasamang tao ang naninirahan – mga walang puso at kaluluwa!
Sa Pulong Demonyo lumaki at nagkaisip si Rox. Dito niya natutuhang mahalin ang kababatang si Diane na “Daday” ang palayaw. Kasundo niya si Daday sa maraming bagay. Ito lamang ang nakauunawa sa kanyang pag-uugali at pagkakaroon ng ‘talangka’ sa utak. At dalawang kamay siyang inaalalayan sa mga panahong maunos ang takbo ng kanyang buhay. Kabilang na roon ang paglilibre sa kanya ng almusal, tanghalian o hapunan. Paminsan-minsan ay pinamemeryenda pa.
Naging malapit sila ni Daday sa isa’t isa noon pang maglalabingtatlo lang ang kanilang edad. Maabilidad sa mundong ginagalawan. Sa umagang-umaga hanggang hapon inaabatan ang mga tindera sa palengke na pwedeng hingian ng mga patapon na kamatis, sibuyas at iba’t ibang gulay upang makaraang mahugasan ay maibenta muli sa bangketa. (Itutuloy)
ni Rey Atalia