Nitong nakaraang Linggo sa pista ng Sta. Ana Park ay maraming klasmeyts natin ang nagbigay ng reaksiyon sa nagawang pagdadala ng hineteng si Dunoy Raquel Jr. sakay ng kabayong si Jazz Bestvibration.
Sa largahan ay hindi na kaagad nila nagustuhan ang pagpasalida kay Jazz Bestvibration dahil kulelat. Pero mas hindi nila nagustuhan ang dalawa pang sumunod na eksena. Ang una ay iyong paparemate na si Jazz Bestvibration at inaasahang lalagpas o uungos man lang ay biglaang naudlot dahil sa pagkakahigit sa renda.
Ang pinakahuli ay sa pagsungaw sa rektahan na biglaan namang ipinasok pa si kabayo sa balya imbes na padiretso na lamang ang pagpapatakbo. Kaya sobrang galit at inis ang naramdaman nila kay Dunoy.
Iyong puntong biglaang reremate at animo’y lalagpas ay maraming class-A riders na ang may gawain sa istilong ganyan. Naalala ko naman tuloy ang nangyari sa kabayong si Toril na kung saan ay sinimulang parematehin sa may medya-milya at animo’y lalagpas sa lakas ng dating ay biglang hindi man lang umungos ni ilong sa nakalabang si ES Twenty Six, kaya sa lakas ng pagkakahigit sa renda ay natuluyan nasira at nung araw ding iyon.
Marahil kaya nagagawa ang ganong estilo ay hindi naman sila ang may-ari ng kabayo at hindi rin nila mas kinikilalang kadikit ang may-ari.
Fred L. Magno