NAGING matagumpay ang ikatlong edisyon ng FilAm Criterium Grand Prix, na dumagundong sa pinakamalaking rotonda ng bansang Quezon Memorial Circle, Elliptical Road, Lungsod Quezon, na isinaayos ng dating national cyclist at Fil-Am na ngayong si Wilson Blas at katropa nito sa Estados Unidos, kasama ang United Cyclists Association of the Philippines ( UCAP ) ni prexy Ricky Cruz at WESCOR Transformer.
Unang nakatawid sa meta ng tampok na Pro-Am ang dating national team member na si John Paul Morales, 27-anyos ng Philippine Navy at Philippine Standard Insurance, sa hagarang layong mabigyan ang mga siklistang Fil- Am at purong Pinoy ng pagkakataong ipamalas ang kanilang kakayahan at talento sa padyakang sikat sa ordinaryong tao.
Pumangalawa kay Morales ang siklistang Espanyol na si Angel de Julian Vasquez, samantalang pumangatlo si Felipe Marcelo sa karerang biglang bumuhos ang ulan, na naging dahilan upang bumagal ang paghataw nina Le Tour de Filipinas champ Mark Galedo, Alfie Catalan, Arnel de Jesus at iba pa gawa ng madulas na ruta.
Sa kababaihan, nakauna si Michelle Domingo Barnachea, kasunod si Marita Lucas at pumangatlo si Aimee Benjamin, samantalang sa 36-45 yrs. category, naisahan ni Ricky Calla ang pumangalawang si Virgilio Espiritu at nagkasya sa 3rd place ang organizer na si Blas.
Nakaungos si Joselito Santos sa mga nakalabang sina Jerry Aquino at Patriotic cyclist na si Alex Billan ng Excellent Noodles sa inabangang padyakang pang-46 yrs. pataas.
Ang iba pang nanalo ay sina – 19-35 yrs. – 1. Julius delos Reyes, 2. Robbie Urbano & 3. Jun Quintia; Jrs. – 1. Jake Rivera, 2. Allan Santiago & Jun Canlas Barrios; MTB – 1. Joseph Francisco, 2. Kenneth Lacuesta & 3. Dennis Ncillax at Folding Bike – 1. Rey Enriquez, 2. Jeffrey Soliman at 3. John Domic.
(HENRY T. VARGAS)