Wednesday , December 25 2024

Strike three sa prostitusyon ng Pasay club

ANG pagduruda sa sinseridad ng gobyerno ng Pasay na burahin ang prostitusyon sa kanilang lugar ay lumulutang sa tuwing may night club na kahit ni-raid na ng mga awtoridad ay patuloy pa ring tumatakbo na parang walang nangyari.

Bilang halimbawa, sinalakay ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) ang Universal KTV sa F.B. Harrison Street malapit sa kanto ng Libertad Street sa Pasay City noong Oktubre 23, 2014 at inaresto ang mahigit 50 babae sa pagtatrabaho nang walang permit, matapos umanong mahuli ang isa sa kanila habang nagtatanghal ng malaswang palabas.

Ang Universal KTV, o Miss Universal (MU) na dating tawag dito, ay dalawang ulit nang ni-raid ng National Bureau of Investigation (NBI) at minsan ng SPD sa loob lamang ng ilang taon, mula nang mapailalim ito sa pagmamay-ari ng isang Hapon na nagngangalang “Mr. Suzuki” sa pamamagitan ng dummy niyang Pilipino.

Sa katunayan, ang officer-in-charge ni Suzuki na si Cielo Alcantara ay nakulong nang mahigit isang buwan nang walang piyansa, matapos ang ikalawang raid ng NBI na isinagawa ilang buwan na ang nakararaan. Kahit paano ay nakapagpiyansa siya.

Ang pangalan ng club ay sumailalim na sa ilang pagbabago mula Miss Univeral patungong Universe Girls Club at nitong huli, Universal KTV, sa tuwing ito ay sasalakayin ng NBI o ng pulis at mapa-padlock, para maipakita na ito ay iba at bagong establisimiyento.

Sa kabila ng mga pagbabago sa pangalan, ang mga pagmamatyag na isinagawa ng mga awtoridad ay nagpakita umano na ang club ay patuloy sa pagtatanghal ng malalaswang palabas at paglalako ng mga babae, kabilang na ang mga menor de edad, sa mga dayuhan at Pilipino para sa panandaliang aliw kapalit ng pera sa loob ng VIP rooms o sa labas ng club, kaya sila nare-raid.

Umaasa ako na ang operasyon na ginawa ng SPD noong Oktubre 23 ay seryosong pagtatangka upang ipakita na ang mga ilegal na gawain ay hindi kukunsintihin ng pulis, at hindi pagpapakita ng puwersa para ipahiwatig na may bagong district director na namumuno sa SPD sa katauhan ni Chief Superintendent Henry Rañola.

May ilang pinaigting na operasyon ng pulis na ang pakay lang ay maipakita na “may bagong siyerip sa bayan at kailangan natin taasan ang mga karaniwang koleksyon para sa kanya.” Ang iba ay garapalang humihingi ng “goodwill money” mula sa mga ilegalista sa oras na pamunuan nila ang isang presinto o istasyon.

Pinuna ng Pasay Prosecutor’s Office na ang mga larawan na isinumite ng mga pulis kaugnay ng babaing nahuling gumagawa umano ng malaswang palabas ay hindi napatotohanan, dahil nabigo silang iprisinta ang sinumpaang salaysay ng tao na kumuha ng mga larawan.

Ipinunto rin ng prosecutor na nabigo ang mga pulis na patunayan na ang mga babae ay hindi inisyuhan ng permit para makapagtrabaho, kaya inutos sa SPD na palayain sila maliban na lang kung may ibang dahilan para sila ay mapiit.

Parang walang alam ang city hall at headquarters ng pulis sa ilegal na aktibidad ng MU, kahit ilang daang metro lang ang layo nila sa club.

Pero kahit na mag-raid gabi-gabi ang mga pulis ay patuloy na mamamayagpag ang prostitusyon kung ang mga kababaihang sinasamantala ay agad pinalalaya sa tuwing maaaresto, at ang mga club na pinagtatrabahuhan nila ay patuloy na umaandar.

Ang raid na isinagawa noong Oktubre 23 ay ikatlong strike para sa MU pero nananatili pa rin itong tumatakbo. Marahil ay panahon na para utusan ni Interior Secretary Mar Roxas si Pasay City Mayor Tony Calixto na i-padlock ang club, at bigyan ng pakakataon ang punong lungsod na patunayan na seryoso talaga siya kung prostitusyon ang pag-uusapan.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

Robert Roque

About hataw tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *