KAPWA pinapaboran ang Alaska Milk at San Miguel kontra sa kanilang mga katunggali sa PBA Philippine Cup mamaya sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Makakasagupa ng Aces ang Barako Bull sa ganap na 4:15 pm at susundan ito ng salpukan ng Beermen at Kia Sorento sa ganap na 7 pm.
Ang Aces ni coach Alex Compton ay may 6-0 record at siyang tanging koponang hindi pa natatalo sa torneo.
Sa kabilang dako ay galing naman ang Barako Bull sa 87-71 panalo kontra Kia Sorento. Iyon ang unang panalo ng tropa ni coach Koy Banal matapos na matalo sa limang laro.
Kaya naman ayaw ni Compton na magpa-easy-easy ang kanyang mga bata dahil sa baka nagsisimulang umangat ang laro ng Energy.
Ang Aces ay pinangungunahan ni Calvin Abueva na tinutulungan nina JVee Casio, Sonny Thoss, Cyrus Baguio, Dondon Hontiveros, Eric Menk at rookie Chris Banchero.
Nagpamalas naman ng magandang pangako ang rookie na si Jake Pascual na nagtala ng double-double (22 points at 12 rebounds) kontra Kia Sorento.
Ang mga iba pang inaasahan ni Bar Banal ay sina Dennis Miranda, Mick Pennisi, Willie Wilson at JC Intal.
Ang San Miguel Beer (5-1), na ngayo’y hawak ni coach Leo Austria, ay galing a 79-77 panalo kontra sister team, Barangay Ginebra noong Linggo. Nagbida para sa Beermen si June Mar Fajardo na nagtala ng 21 puntos, 15 rebounds at apat na blocked shots. Iyon ang ikaanim niyang double-double sa sindaming laro.
Nakakatuwang ng reigning Most Valuable Player sina Arwind Santos, Chris Lutz, Chris Ross, Marcio Lassiter at Solomon Mercado.
Matapos namang manalo kontra kapwa fellow expansion francise Blackwater Elite (80-66) noong opening day, ang Kia ay nakalasap ng anim na sunod na kabiguan.
Manalo o matalo ay didiretso ang Sorento sa Macau upang panoorin ang laban sa Linggo ni Manny Pacquiao na siya ring playing coachng Kia.
(SABRINA PASCUA)